|
||||||||
|
||
MASAYANG ibinalita ni Asian Development Bank President Takehiko Nakao na maganda ang pagtutulungan ng kanyang bangko at ng Asian Infrastructure and Investment Bank na pinamumunuan ng Tsina sa pamamagitan ng sabayang pagtustos sa isang malaking proyekto sa Pakistan.
Sa kanyang pagharap sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines kanina, sinabi ni G. Nakao na napakalaki ng pangangailangan ng rehiyon sa mga pagawaing-bayan kaya't magandang makasabay ang AIIB sa pagtugon sa mga proyektong matutustusan na magdudulot ng kaunlaran.
Kanina rin ang simula ng kanyang unang araw sa kanyang termino bilang pangulo matapos mahalal sa ikalawang pagkakataon bilang pinuno ng pinakamalaking pangrehiyong bangko.
Kung noong mga nakalipas na dekada, hindi tinitingnan ng daigdig ang kahalagahan ng Asia, nakikita na ang kaunlarang nagaganap sa rehiyon sa pag-unlad ng mga ekonomiya ng mga bansa. Inihalimbawa niya ang sigla ng mga pamilihan sa mga bansang kabilang sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN.
Ipinaliwanag din niyang malayo ang pagkakaiba ng ASEAN sa European Union na naharap sa pag-alis ng United Kingdom. Malaki kasi ang papel ng mga nasa European Parliament sa Brussels samantalang ang ASEAN ay nakasalalay sa consensus at pagkakaisa sa mga layunin tulad ng kahalagahan ng pagtutulungan samantalang pinanatili ang mga ipinatutupad na batas.
Mahalaga pa rin ang papel ng bangko sa rehiyon sa nakalipas na 50 taon mula ng itatag ito sapagkat nananatili ang kahirapan sa iba't ibang lipunang nakasama na sa Asian Development Bank.
Samantala, binanggit niyang pasado ang mga pautang ng Asian Development Bank sa Pilipinas ngayong taontulad ng dagdag na salapi para sa Social Protection na ipinasa noong Pebrero na nagkakahalaga ng US$ 400 milyon, Angat Water Transmission Improvement Project na ipinasa noong Marso na nagkakahalaga ng US$123.3 milyon at ang Water District Development Sector project na nakapasa noong Abril na nagkakahalaga ng US$ 60 milyon.
Hinihintay pa rin ang pagpasa ng Local Government Finance and Fiscal Decentralization Reform Program, SubProgram 2 na nagkakahalaga ng US$ 250 milyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |