|
||||||||
|
||
Beijing - Upang palakasin ang pagpapalitan at kooperasyong pang-media ng Pilipinas at Tsina, dumalaw ngayong araw, Martes, Nobyembre 29, 2016 sa himpilan ng Radyo Internasyonal ng Tsina (CRI) ang delegasyon ng media ng Pilipinas na kinabibilangan nina, Assistant Secretary Marie Rafael-Banaag ng Presidential Communications Office, Director Rizal Giovanni Aportadera Jr. ng Philippine Broadcasting Service, General Manager Dino Antonio Apolonio ng People's Television Network, at Executive Editor Luis Morente ng Philippine News Agency.
Sa pakikipag-usap kay Presidente Wang Gengnian ng CRI, ipinahayag ni Assistant Secretary Banaag ang kagalakan sa pambihirang pagbisitang ito, na magbubukas ng maraming pintuan para sa pagkakaroon ng pangmatagalan at mas matibay na pagtutulungan ng dalawang bansa sa larangan ng media.
Ani Banaag, siya'y nabibighani sa taglay na lawak at kakayahan ng CRI.
Inaasahan aniya ng Pilipinas ang tulong at suporta mula sa CRI upang mas mapabuti ang kakayahan ng media ng bansa sa pagbibigay ng makabuluhang impormasyon sa mga Pilipino.
Dagdag pa ni Banaag, umaasa ang panig Pilipino, na sa lalong madaling panahon ay magkaroon ng kooperasyon at pakikipagpalitan ng mga programa at impormasyon sa CRI upang mas mabuting maipakilala sa mga Pilipino ang Tsina at ganoon din sa mga Tsino ang Pilipinas.
Winewelkam aniya ng panig Pilipino ang pakikipagkooperasyon sa CRI.
Samantala, sinabi naman ni Presidente Wang Gengnian ng CRI na ang misyon ng CRI ay ipakilala sa mundo ang Tsina at mundo sa Tsina.
Kaya't bukas-palad na tinatanggap ng CRI ang pakikipagkooperasyon sa media ng Pilipinas.
Ani Wang, kabilang sa mga proyektong maaring pagtulungan ng media ng Pilipinas at CRI ay magkasamang pagbabalita ng ibat-ibang kaganapang nagpapakita ng kultura ng Tsina at Pilipinas, pagpapalitan ng mga tauhan, paglilipat ng teknolohiya, kooperasyon sa bagong media at marami pang iba.
Sa pamamagitan naman ng Serbisyo Filipino ng CRI, inaasahan ni Wang na makakapagpadala ng mga mamamahayag na Tsino sa Pilipinas, upang matuto ng wikang Filipino at mas maintindihan ang paraan ng pagbabalita at kultura ng Pilipinas.
Nais din niyang magkaroon ng mas marami pang Pilipinong nagtatrabaho sa CRI upang sila naman ang matuto mula sa mga counterpart na Tsino.
Ang Serbisyo Filipino ng CRI ang magbubukas ng mas maraming oportunidad sa mas malakas na kooperasyon at pagkakaunawaan ng dalawang panig, dagdag ni Wang.
Sa hiwalay namang pakikipagtagpo kay Director An Xiaoyu ng Southeast Asia Broadcasting Center, sinabi ni Director Rizal Giovanni Aportadera Jr. ng Philippine Broadcasting Service, na nais ng panig Pilipinong maisagawa ang kooperasyon kasama ang CRI sa lalong madaling panahon.
Sa direktiba aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte, gusto niyang magkaroon ng pangmatagalang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan ang Pilipinas at Tsina sa larangan ng pagsasahimpapawid.
Ipinahayag naman ni Director An na ang pagpapalitang pang-media ay isa sa mga pinakamabisang paraan upang palakasin ang people-to-people exchanges.
Maaari na aniyang umpisahan sa madaling panahon ang kooperasyon ng dalawang panig sa larangan ng pagpapalitan ng balita, samantalang isasailalim naman sa masusing pag-aaral at pag-uusap ang mga detalye sa pagpirma ng Memorandum of Understanding hinggil sa pagpapalitan ng mga tauhan, programa at iba pa.
An Xiaoyu, Direktor ng Southeast Asia Broadcasting Center ng CRI habang kausap ang delegasyong Pilipino.
Mula sa kaliwa Jade Xian, Direktor ng Serbisyo Filipino ng CRI; Lito Li, Pangalawang Direktor ng Serbisyo Filipino ng CRI; Luis Morente, Executive Editor ng Philippine News Agency; at An Xiaoyu, Direktor ng Southeast Asia Broadcasting Center.
Si Rizal Giovanni Aportadera Jr., (kanan) habang tinitingnan ang website ng Serbisyo Filipino ng CRI.
Mga opisyal ng CRI at delegasyong Pilipino.
Sina PCO Assistant Secretary Marie Rafael-Banaag (kaliwa) at Presidente Wang Gengnian ng CRI (kanan).
Ulat: Rhio
Larawan: Ernest
/end//
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |