|
||||||||
|
||
Makikita sina Commodore Joel Garcia ng Philippine Coast Guard (pangalawa mula sa kanan) na nakikipagkamay kay Chinese Coast Guard Deputy Director General Yun De sa pagtatapos ng kanilang dalawang araw na pulong sa New World Hotel sa pagtatatag ng Joint Coast Guard Committee tulad ng napapaloob sa kasunduang nilagdaan sa pagdalaw ni Pangulong Duterte sa Beijing noong Oktubre. Na sa larawan din si Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana (kanan). (Larawan mula sa Philippine Coast Guard)
NATAPOS na ang dalawang araw na pagpupulong ng mga kinatawan ng Philippine at Chinese Coast Guard bilang pagtalima sa isang nilagdaang kasunduan sa Beijing noong dumalaw si Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Magugunitang sumaksi sina Pangulong Xi Jinping at Duterte sa naganap na signing ceremonies.
Sa isang pahayag na inilabas ng Philippine at Chinese Coast Guard, mabubuo na ang Joint Coast Guard Committee (JCGC). Sa oras na maging ganap ang pagbuo ng komite, ito ang magiging daan upang mapalakas ang pagtitiwala ng magkabilang-panig sa isa't isa at mapasisigla ang komunikasyon ay magpapalitan ng impormasyon at makatitiyak ng ibayong pagtutulungan.
Naging maganda ang pagpapalitan ng mga pananaw sa iba't ibang isyu sapagkat napagkasunduan ang pinag-isang kampanya laban sa drug trafficking at iba pang maritime crimes. Napagkasunduan din ang pinag-isang pagkilos sa environmental protection, maritime search and rescue at capacity building sa iba pang mga paksa.
Napagkasunduan din ang pagkakaroon ng hotline sa pagitan ng Philippine at Chinese coast guard.
Magaganap ang ikalawang pagpupulong na siyang maglulunsad ng Joint Coast Guard Committee sa darating na Pebrero at pangangasiwaan ng Pilipinas.
Lumahok din sa pag-uusap ang Department of Foreign Affairs ng Pilipinas, Office of the Foreign Affairs Leading Group ng Communist Party of China Central Committee at maging ang Chinese Ministry of Foreign Affairs.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |