|
||||||||
|
||
HIGIT NA GAGANDA ANG RELASYON NG PILIPINAS AT TSINA. Sinabi ni Philippine Ambassador Designate Chito Sta. Romana na higit na makikinabang ang Pilipinas sa magandang relasyon nito sa Tsina. Sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat," sinabi ni G. Sta. Romana na interesado ang Tsina na makipagkalakal sa Pilipinas. (Melo M. Acuna)
SINABI ni Philippine Ambassador to China-Designate Chito Sta. Romana na higit na makikinabang ang Pilipinas sa magandang relasyon nito sa Tsina.
Sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat," sinabi ni G. Sta. Romana na bukod sa nakabalik sa Scarborough Shoal ang mga mangingisdang Filipino, naibsan ang tensyon sa pagitan ng mga Tsino at Filipino. Nagkasundo rin ang Philippine at Chinese Coast Guards na magtutulungan at bubuo ng isang komite na dadalo sa mga interes ng magkabilang-panig.
Nasubukan na ang pagkakaibigan ng mga tauhan ng coast guard sa pagtulong sa dalawang mangingisdang Filipino kamakailan.
Umaasa rin si G. Sta. Romana na patuloy na madaragdagan ang mga turistang Tsino sa Pilipinas at makakamtan ang isang milyong bilang pagsapit ng Disyembre ng taong ito.
Hinggil sa posibilidad na magkaroon ng joint exploration sa karagatan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, sinabi ni G. Sta. Romana na mayroon nang pag-aaral na ginagawa ang mga opisyal ng Departments of Energy at Foreign Affairs.
Makatutulong din ang economic cooperation sapagkat seryoso ang mga Tsino na makipagkalakal at makipagtulungan sa Pilipinas. May mga economic managers na Filipino na dadalaw sa Tsina sa susunod na ilang linggo sapagkat pag-uusapan na ang mga proyektong naisumite sa Tsina at ang mga ito ay ang rapid bus transit at ang flood control para sa Metro Manila.
May mga pag-aaral na ring ginagawa para sa mga daang-bakal, mga tulay at mga daungan. Gagawin din ang inaasahang "due dilligence."
Magkakaroon ng mga negosasyon at konsultashyon. Maraming nararapat gawin upang matiyak na ang mga kasunduan ay magiging kapakipakinabang sa magkabilang panig.
Kailangang mailayo ang usaping hinggil sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sapagkat hindi lamang sa isyung ito nakasalalay ang relasyon ng dalawang bansa. Ang mga iba pang larangan na walang kontrobersya ay ang kalakal, komersyo, edukasyon at kultura.
Nakatakdang magtungo sa Beijing si G. Sta. Romana matapos makapanumpa bilang Ambassador ng Pilipinas sa Tsina sa harap ni Pangulong Duterte at matapos tanggapin ng Tsina ang kanyang nominasyon. Masasaklaw niya ang Mongolia at maging ang North Korea bilang non-resident ambassador.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |