|
||||||||
|
||
NABABAHALA ang mga obispo sa panukala ng pamahalaan sa pamamagitan ng Senado at Kongreso na babaan ang edad ng mga kabataang papanagutin sa batas.
Sa isang pahinang pahayag na nilagdaan ni Arsobispo Socrates B. Villegas, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines at Arsobispo ng Lingayen-Dagupan, ipinarating ng mga obispo na mas papaboran nila ang pagpapanatili ng nilalaman ng Juvenile Justice and Welfare Act at huwag nang baguhin pa.
Kontra ang mga obispo sa panukalang bawasan ang edad para sa criminal liability. Ang layunin ng batas ay kapuri-puri at ang nilalaman nito ay mapapakinabangan.
Ang anumang pagkakamali at pagkukulang ng mga kabataan ay hindi nararapat sumagka sa mga posibilidad na magbago sa paglipas ng panahon.
Ang masakit na katotohanan na ginagamit ang mga kabataang 15-taong gulang ng mga nakatatandang kabilang sa mga sindikato at hindi sapat upang babaan pa ang edad ng pananagutan sa batas ng mga kabataan.
Kailangan lamang na maging mapagbantay ang mga magulang at magawaran ng parusan ang mga gumagamit sa mga kabataan sa krimen, dagdag pa ng mga obispo.
Samantala, sinabi ng mga obispo sa kanilang katatapos na pagpupulong na maliwanag ang pagpapahalaga ng Mabuting Balita sa buhay. Ito ang paninindigan ng simbahan kaya't kontra sila sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan sa sistemang legal ng bansa.
Nakipaglaban ang mga obispo sa pagpapawalang-bisa sa Heinous Crimes Act na nagagawad ng parusang kamatayan. Nakalulungkot na nagnanais na naman ang mga autoridad na ibalik ang parusang ito. Kahit pa karumal-dumal na krimen ang nagawa ng kriminal, walang sinumang walang kakayahang magbago.
Sa buong daigdig, ang pagkilos ay upang mabawasan na ang mga bansang nagpapatupad ng parusang kamatayan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |