Sa pagtataguyod ng Thailand-China Business Council, idinaos kamakailan sa Bangkok ang malaking symposium, kung saan tinalakay ng panig Tsino at Thai ang hinggil sa kanilang kooperasyon para sa pagpapasulong ng Thailand 4.0 strategy.
Sa kanyang talumpati sa symposium, sinabi ni Ning Fukui, Embahador ng Tsina sa Thailand, na ang Thailand 4.0 ay mahalagang estratehiya, para idebelop ang bagong lakas na tagapagpasulong sa kabuhayan ng bansa. Makakapagkaloob aniya ang Tsina ng tulong sa Thailand sa mga aspekto ng teknolohiya, pondo, at pamilihan, para sa pagpapasulong ng naturang estratehiya. Dagdag pa niya, sinimulan na ng Tsina at Thailand ang kooperasyon sa hay-tek at e-commerce, at ang mga ito ay mga bagong elementong mabilis umunlad sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa noong isang taon.
Ipinahayag naman ni Kobsak Pootrakool, Pangalawang Ministro sa Tanggapan ng Punong Ministro ng Thailand, ang pagtanggap sa mas maraming pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Thailand. Ito aniya ay para matutuhan ng Thailand ang hinggil sa mga hay-tek ng industriya ng Tsina. Umaasa rin aniya siyang mabilis na susulong sa taong ito ang mga konkretong kooperasyon ng dalawang bansa, na gaya ng konstruksyon ng high-speed railway at mga proyekto sa loob ng balangkas ng "Belt and Road" Initiative.
Salin: Liu Kai