|
||||||||
|
||
Sa preskong idinaos ngayong araw, Sabado, ika-11 ng Marso 2017, sa Beijing, sa panahon ng taunang sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina, ipinahayag ni Miao Wei, Ministro ng Industriya at Teknolohiyang Pang-impormasyon ng Tsina, na sa "Made in China 2025" plan at mga kaukulang patakaran at hakbangin, magkapareho ang pakikitungo sa mga bahay-kalakal na Tsino at dayuhan. Ang planong ito aniya ay hindi para magpataw ng limitasyon sa mga bahay-kalakal na dayuhan.
Sinabi ni Miao, na ang "Made in China 2025" ay plano hinggil sa pagpapaunlad ng industriya ng manupaktura ng Tsina. Ito aniya ay para patingkarin ang papel ng patnubay ng pamahalaan sa usaping ito, at hindi ito laban sa namumunong papel ng pamilihan.
Pagdating sa mga kahilingan sa market access sa nabanggit na plano, ginawa ni Miao na halimbawa ang industriya ng paggawa ng new energy vehicle. Sinabi niyang, ayon sa plano, dapat magkaroon ang mga bahay-kalakal ng kompletong teknolohiya ng pagdedebelop at paggawa ng new energy vehicle. Ito aniya ay para himukin ang mga bahay-kalakal na Tsino na makamtan ang nasabing teknolohiya. Wala itong sapilitang kahilingan sa mga bahay-kalakal na dayuhan na ilipat ang kanilang teknolohiya sa Tsina, dagdag ni Miao.
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |