|
||||||||
|
||
Si Delfin Lorenzana (gitna), Kalihim ng Tanggulang Bansa, sa media briefing sa Beijing
Beijing, Tsina--Sa magkasanib na media briefing na idinaos, Linggo, Mayo 14, 2017, hinggil sa Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF), ipinahayag ni Delfin Lorenzana, Kalihim ng Tanggulang Bansa ng Pilipinas, na napakahalaga ng BRF upang makapagdala ng pag-unlad sa imprastruktura at ekonomiya sa katimugan ng Pilipinas.
Umaasa aniya siyang sa pamamagitan ng BRF, papasok sa katimugan ng Pilipinas ang maraming negosyo.
Dagdag niya, sa pamamagitan ng mga benepisyo mula sa Belt and Road Initiative, papasok sa katimugan ng Pilipinas ang ibat-ibang negosyo, na gagawa ng disenteng trabaho: ito aniya ay magbibigay ng sapat na kita at magandang buhay sa mga mamamayan sa nasabing rehiyon ng bansa, at mabilis na magpapahupa sa problema sa insurhensya.
Bukod dito, sinabi rin ni Lorenzana na nakatakdang pumirma ngayong araw sa "Letter of Intent" ang Pilipinas at Tsina kung saan nakasaad ang naisin ng Tsina na magkaloob ng maraming kagamitang pandepensa at pautang na nagkakahalaga ng $500 milyong dolyar sa Pilipinas.
Ngunit, nilinaw ni Lorenzana na hindi ito nangangahulugan na agarang bibili ng mga kagamitang pandepensa ang Pilipinas sa Tsina, bagkus isa itong paraan upang magkaroon ng ugnayan ang dalawang bansa, at ipadala ng Pilipinas sa Tsina ang ilang tauhan upang tingnan kung anong mga kagamitang kailangan ng hukbong Pilipino.
Ang Belt and Road Forum for International Cooperation na idinaos sa Beijing Tsina mula Mayo 14 hanggang Mayo 15, 2017 ay nilahukan ng mga lider ng daigdig na kinabibilangan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas.
Ang Belt and Road ay tumutukoy sa Silk Road Economic Belt o Silk Road na Panlupa at 21st Century Maritime Silk Road o Silk Road na Pandagat.
Noong 2013, iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang Belt and Road Initiative para mapasulong ang komong kasaganaan.
Ulat: Rhio
Edit: Jade
Larawan/Web-editor: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |