|
||||||||
|
||
Sabay na paghampas ng gong nina Pangalawang Ministrong Panlabas Liu Zhenmin, at Embahador Jose Santiago Sta. Romana
Sa Guiyang, lalawigang Guizhou sa timog kanlurang Tsina, sa pamamagitan ng tunog ng gong na mula sa sabay na paghampas ng dalawang puno ng delagasyong Pilipino at Tsino, pormal na nagsimula ngayong araw, Mayo 19, 2017 ang makasaysayan at pinananabikang unang pulong ng Pilipinas at Tsina para talakayin ang isyu ng South China Sea.
Si Pangalawang Ministrong Panlabas Liu Zhenmin ng Tsina
Ipinahayag ni Liu Zhenmin, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, sa kanyang opening statement na ang bilateral na konsultasyon ay itinatag na may maingat na patnubay ng mga lider ng dalawang bansa.
Matatandaang noong Oktubre ng isang taon nagkasundo sina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Rodrigo Duterte na panumbalikin sa normal ang ugnayan ng dalawang bansa. Sinundan ito ng pulong sa Maynila nitong Enero 2017 para sa Ika-20 Bilateral na Konsultasyon sa Pagitan ng Tsina at Pilipinas kung saan napagkasunduan ang terms of reference ng bilateral consultation mechanism para sa pulong na kasalukuyang ginanap sa Guiyang.
Ani Liu ang mekanismo o pag-uusap ngayong araw ay magsisilbing plataporma para sa pagpapataas ng kompiyansa at pagsusulong ng kooperasyong pandagat at seguridad.
Maaring gamitin ng dalawang bansa ang nasabing mekanismo upang magtalakayan, sumang-ayon at ipakita ang mabuting kalooban at pag-ibayuhin ang mutuwal na pagtitiwalaan.
Sa gayo'y mas maging matibay ang pundasyon ng pagtatag ng mabuting ugnayan ng dalawang bansa. Umaasa siyang magkaroon ng malalimang pagtalakay sa malawak na usapin ng ugnayang pandagat sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
Si Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina
Bilang tugon, ipinahayag naman ni Embahador Jose Santiago Sta. Romana, co-chair ng pulong na ikinalulugod niyang dumalo sa makasaysayan at napakahalagang pulong. Inaasahan aniya ng lider ng dalawang bansa, matapos ang kanilang pagtatagpo kamakailan sa Beijing, ang pagtatagumpay ng bilateral consultative mechanism.
Ipinaabot niya ang paninindigan ni Pangulong Duterte na panatilihing malakas ang ugnayan ng Pilipinas at Tsina. May kumpiyansiya siya sa tibay ng nasabing ugnayan bunsod ng mahaba at malalim nitong pagpapalitan. At naninindigan ang kanyang bansa sa pagsusulong ng kapayapaan, katatagan at seguridad ng rehiyon. At ang pulong ay mag-aalok ng pagkakataong isulong ang mga nabanggit na adhikain.
Malugod din niyang tinanggap ang pagkakaroon ng Draft Framework on the COC dahil ang mga pagpupunyaging bilateral at multilateral upang tugunan ang mga hamon ay sumususog din sa katulad na adhikain.
Unang pulong ng China-Philippines Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea
Group picture ng delegasyong Tsino at Pilipino sa pulong
Bago magsimula ang pulong ganap din ang palitan ng regalo ng mga puno ng delegasyon na simbolo ng mabuting hangarin at pagkakaibigan.
Ulat: Mac Ramos at Liu Kai
Web Editor: Lito
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |