|
||||||||
|
||
KOORDINASYON NG MGA TANGGAPAN NAPATUNAYANG MABISA. Sinabi ni Police Senior Inspector Kim Molitas, tagapagsalita ng NCRPO na madaling nakatugon ang pulisya sa Resorts World at maging sa mga paliparan na kailangang mabantayan. Lumitaw sa imbestigasyon na isng may sakit sa pag-iisip ang may kagagawan ng madugong insidente sa Resorts World Manila. Kasama niya sa larawan si Transport Undersecretary Arthur Evangelista, Commodore Joel S. Garcia ng PCG, Col. Gil Maglaque ng CAAP at Col. Allen Capuyan ng MIAA. (Melo M. Acuna)
MAY kaukulang hakbang ang sektor ng transportasyon sa pagpapanatili ng seguridad sa buong bansa kasunod ng mga sagupaang nagaganap sa Marawi City at ang madugong insidente sa Resorts World noong nakalipas na Biyernes ng madaling araw na ikinasawi ng 38 katao.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni Chief Inspector Kim Molitas, tagapagsalita ng National Capital Region Police Office na naging maganda ang koordinasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan matapos makarating ang impormasyon sa kanilang tanggapan. Sa loob umano ng siyam na minuto ay nakatugon ang pulisya ay nakarating sa Resorts World. Nakapagpatupad ng kaukulang security measures ang mga paliparan sa Lungsod ng Pasay sapagkat may nakalaang standard operating procedures ang mga paliparan.
Sinabi naman ni Transport Undersecertary at pinuno ng Office of Transport Safety Arturo Evangelista na nakarating kaagad sa kanya ang impormasyon sapagkat matapos ang tatlong minuto ay humahangos na nakarating sa kanyang tanggapan ang ilan kataong kakilala at nag-ulat ng nagaganap sa Resorts World. Sapagkat malapit lamang sa Ninoy Aquino International Airport Terminals III at IV, nagpatupad sila kaagad ng security measures para sa apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport.
Ayon kay Col. Allen Capuyan, Assistant General Manager for Security and Emergency Services, tiniyak nilang walang anumang magaganap sa loob ng kanilang nasasaklaw. Pinigil ang paglabas-masok ng mga tao sa paliparan sa loob ng dalawang oras at matapos ito ay bumalik na sa normal ang kanilang operasyon.
Idinagdag naman ni Colonel Gil Maglaque, security chief ng Civil Aeronautics Authority of the Philippines, na nagpatupad sila ng kaukulang security measures sa kanilang nasasakupan tulad ng mga na sa control tower.
Sa larangan ng Light Rail Transit Authority at Metro Rail Transit na nagsasakay ng daang-libong mamamayan sa bawat araw, sinabi nina Dominic Cabigting, ang Manager ng Administrative Department ng LRTA na mayroon na silang higit sa 200 mga close circuit television cameras na nakatalaga sa kanilang mga ruta upang mamatyagan ang lahat ng nagaganap sa kanilang mga himpilan at mga pasahero. Tiniyak din ni G. Herbert Hocson ng MRT 3 na may sapat na kaalaman ang mga tauhan nila at mga security personnel upang matiyak na ligtas ang mga pasilidad na ginagamit ng mga pasahero mula umaga hanggang gabi.
Para kay Bb. Jo Geronimo ng Philippine National Railways, nakabantay ang mga tauhan nila sa mga himpilan upang matiyak na walang anumang bagay na makapaglalagay sa panganib sa mga mamamayan ay mapigil.
Abala ang Philippine Coast Guard sa pagbabantay sa mga daungan sa Mindanao. Ito naman ang sinabi ni Commodore Joel Garcia, ang officer-in-charge ng Office of the Commandant ng tanod-baybayin sapagkat abala rin sila sa pagdadala ng mga kailangan ng mga nagsilikas. May sapat silang mga sasakyang dagat at mga tauhan upang tumulong sa kanilang mga operasyon.
Isang hakbang na kanilang ipinatutupad ang pagmamarka ng mga sasakyang-dagat na nagyayaot sa buong bansa. Sa oras na may makita ang mga autoridad na sasakyang dagat na walang rehistro ay magsasagawa na sila ng ibayong operasyon. Ang sinumang magpapahiram ng mga rehistradong bangka sa mga kalaban ng batas ay makakasama sa mga ipagsasakdal ng pakikipagsabwatan sa mga kalaban ng batas.
Ayon kay Commodore Garcia, ang Philippine Coast Guard ay may pinakamaraming sinanay na asong magbabantay sa mga daungan. Una, ay hindi nasusuhulan ang mga aso at ang pangalawa ay 'di nagsisinungalin sa kanilang nasusuring mga kargamento.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |