Sa 6th Plenary ng Samahang Pangkaibigan ng Biyetnam at Tsina na ginanap sa Hanoi, Biyetnam, ipinahayag Agosto 3, 2017 ni Pham Binh Minh, Pangalawang Punong Ministro at Ministrong Panlabas ng Biyetnam na ang pagpapatibay ng mapagkaibigang pakikipagtulungan ng Biyetnam sa Tsina ay hindi lamang angkop sa pundamental na interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi makakatulong din sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon at daigdig.
Ani Pham, bilang priyoridad ng patakarang panlabas ng Biyetnam, inaasahang magsisikap ang nasabing samahan para palakasin ang mapagkaibigang pagpapalitan ng mga mamamayang Tsino at Biyetnames, para pasulungin ang komprehensibo at pragmatikong pagtutulungan ng Tsina at Biyetnam.
Ipinahayag naman ni Embahador Hong Xiaoyong ng Tsina sa Biyetnam na nitong 67 taong nakalipas sapul nang maitatag ang Samahang Pangkaibigan ng Biyetnam at Tsina, matagumpay at mabunga ang pagsisikap nitong pagpapasulong ng mapagkaibigang pagpapalitang di-pampamahalaan sa ibat-ibang larangan. Aniya, ang pagkakaibigan ng Tsina at Biyetnam ay komong kayamanan ng mga mamamayan at estado ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang Embahadang Tsino na magsikap, kasama ng nasabing samahan para ibayong palakasin ang pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.