NAGIPIT na ng mga kawal ang mga Maute na nagkukuta sa isang maliit na bahagi ng Marawi City.
Ito ang sinabi ni Armed Forces Chief of Staff General Eduardo Ano. Kabilang sa nakubkob ng mga kawal ang magkapatid na sina Abdullah at Omar Maute at Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf.
Wala na umanong 500 metro kudrado ang kinalalagyan ng mga armado. Hindi na makakatakas ang mga armado, dagdag pa ni General Ano. Hindi na rin sila maaalalayan ng kanilang mga kasama na nasa labas ng Marawi City.
Hanggang kahapon, umabot na sa 133 kawal at pulis ang napaslang samantalang may 614 na iba pa ang nasawi sa panig ng mga kalaban ng pamahalaan. Mayroon na ring 45 mga sibilyan ang napaslang samantalang mayroong 1,728 katao ang nailigtas.