|
||||||||
|
||
SINABI ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na sariling gastos ang paglalakbay ni Bb. Honeylet Avancena sa Estados Unidos sa paanyaya ng unang ginang ng America na si Melania Trump.
Sa isang press briefing, sinabi ni G. Abella na ang paanyaya ay hindi para sa United Nations General Assembly at ito ay para lamang sa isang "side event." Wala nang iba pang idinagdag na detalyes.
Nakatanggap umano ng paanyaya na dumalo sa isang pagtitipon si Bb. Avancena na itinataguyod ni Gng. Trump kaya't nagtungo siya sa America sa kanyang "personal capacity."
May kakayahan naman umanong maglakbaY si Bb. Avancena 'di tulad ng mga espekulasyon na salapi ng bayan ang ginagastos niya doon.
Isang balita sa telebisyon ang nagsabing nakita si Bb. Avancena, ang kinakasama ni Pangulong Rodrigo Duterte na nanood ng Miss Saigon sa Broadway. Nang tanungin kung nasa New York para sa United Nations General Assembly, sinabi niyang naroon siya sa isang paanyaya subalit walang ibang paliwanag.
Naunang sinabi ni G. Abella na hindi nakadalo si Pangulong Duterte sa United Nations General Assembly sapagkat maraming problemang dinadaluhan sa Pilipinas tulad ng kaguluhan sa Marawi City.
Si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang kanyang kinatawan sa pagtitipon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |