|
||||||||
|
||
NANANATILING bukas ang mga tanggapan ng iba't ibang bansang kabilang sa European Union matapos ang maaanghang na katagang nagmula kay Pangulong Rodrigo Duterte kahapon sa isang okasyon sa Malacanang Press Office.
Magugunitang inutusan ni Pangulong Duterte ang mga ambassador ng mga bansang kabilang sa European Union na umalis na ng bansa sa loob ng 24 na oras matapos sabihing nakikialam sa mga nagaganap sa loob ng bansa.
Idinagdag pa ni Pangulong Duterte na uutusan na niya sa Finance Secretary Carlos Dominguez III na huwag nang tumanggap ng anumang Overseas Development Assistance mula sa mga bansang kabilang sa European Union.
Sinabi rin ng pangulong huwag nang magbili ng mga produktong mula sa Pilipinas sapagkat mas maraming bansa tulad ng Tsina at mga kalapit-bansa sa Asia na handang bumili ng mga gawa sa bansang mga produkto.
Nag-ugat ang galit ni Pangulong Duterte mula sa pagdalaw ng isang grupo ng mga mambabatas na kabilang sa Progressive Alliance na nagmula sa mga bansang Sweden, Germany, Italy, Australia at Estados Unidos.
Sa isang pahayag ng European Union sa Pilipinas, sinabi nilang wala silang kinalaman sa pagdalaw ng mga mambabatas na kabilang sa grupong itinatag noong 2013. Tuloy ang normal na operasyon ng kanilang mga embahada sa Maynila, ayon sa pahayag ng European Union. Walang sinumang ambassador ang lilisan ng Pilipinas.
Idinagdag pa ng tanggapan ni European Ambassador Franz Jessen, nakamtan ng Pilipinas ang pinakamagandang kalagayan ng pakikipagkalakal sa EU noong nakalipas na taon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |