Habang idinaraos ang ika-19 na Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), magkakahiwalay na nagpadala ng mensaheng pambati ang mga dayuhang lider, partido at organisasyonmula sa iba't ibang dako ng mundo.
Ipinahayag ng Komite Sentral ng Cambodian People's Party na sa ilalim ng pamumuno ng CPC, natamo ng mga mamamayang Tsino ang malaking bunga sa iba't ibang larangan. Anang partido, pinasusulong ng "Belt and Road" Initiative at Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) ang kalakalang panrehiyon at pandaigdig; malaking ambag din ang ibinibigay ng mga ito para sa kapayapaan, kasaganaan at katatagan ng rehiyon at buong daigdig.
Sa kanyang mensaheng pambati, ipinahayag ni Lee Hsien Loong, Punong Ministro ng Singapore at Pangkalahatang Kalihim ng People's Action Party, na dapat ituro ng mga patakaran na itatakda sa nasabing pulong ng CPC ang direksyon ng pag-unlad ng Tsina sa hinaharap. Umaasa aniya siyang ibayo pang mapapahigpit ang relasyon at pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang partido at bansa.
Ipinahayag naman ni Boris Gryzlov, Tagapangulo ng Supreme Council ng United Russia, na ang CPC ay mahalagang puwersa sa pagpapasulong ng pag-unlad ng Tsina. Naniniwala aniya siyang sa ilalim ng pamumuno ng CPC, magiging mas masagana ang Tsina at mabuti ang pamumuhay ng mga mamamayang Tsino sa hinaharap.