Pagkaraang ipatalastas kahapon, Biyernes, ika-27 ng Oktubre 2017, ng Parliamento ng Catalonia ng pagsasarili mula sa Espanya, ipinatalastas naman nang araw ring iyon ni Punong Ministro Mariano Rajoy ng Espanya, ang pag-aalis sa tungkulin ni Carles Puigdemont, Pangulo ng Pamahalaang Awtonomo ng Catalonia, at pagbubuwag sa Parliamento ng Catalonia. Sinabi rin ni Rajoy, na idaraos ang halalan ng Catalonia sa ika-21 ng darating na Disyembre ng taong ito.
Samantala, ipinahayag ng mga bansa at organisasyon ang pagkatig sa pamahalaang sentral ng Espanya sa pangangalaga sa unipikasyon ng bansa.
Kabilang dito, sinabi ni Antonio Tajani, Presidente ng European Parliament, na walang sinuman sa loob ng Unyong Europeo ang kikilala sa resulta ng referendum ng Catalonia hinggil sa pagsasarili mula sa Espanya.
Sinabi naman ni Heather Nauert, Tagapagsalita ng Kagawaran ng Estado ng Amerika, na ang Catalonia ay di-maihihiwalay na bahagi ng Espanya. Kinakatigan aniya ng Amerika ang pamahalaan ng Espanya sa pagsasagawa ng mga lehitimong hakbang, para sa pangangalaga sa unipikasyon ng bansa.
Salin: Liu Kai