Bago ang pagdalo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa ika-25 di-pormal na pulong ng mga lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na idaraos sa Biyetnam at pagsasagawa ng dalaw-pang-estado sa bansang ito, ipinahayag ni Hong Xiaoyong, Embahador Tsino sa Biyetnam, na ang nasabing biyahe ay ang unang mahalagang aksyong diplomatiko ng lider ng Tsina pagkatapos ng ika-19 na Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Ito aniya ay magpapakita ng nilalaman ng diplomasyang Tsino sa bagong panahon.
Sinabi ni Hong na sa kanyang pagdalo sa pulong ng APEC, ilalahad ni Pangulong Xi ang paninindigan at mga mungkahi ng Tsina hinggil sa mga mahalagang isyung pandaigdig, pangangasiwa sa mga isyung pandaigdig at kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan sa rehiyong Asya-Pasipiko.
Kaugnay ng pagdalaw ni Xi sa Biyetnam, sinabi ni Hong na isasagawa ni Xi ang pakikipag-usap sa mga lider ng Biyetnam para palalimin ang pag-uugnayan ng dalawang panig sa estratehiya, at pagpapalitan ng mga karanasan at palagay hinggil sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig.
Sinabi pa ni Hong na ang pagdalaw ni Xi sa Biyetnam ay magpapasulong nang malaki sa komprehensibong partnership ng dalawang bansa.