Natapos kagabi, Nobyembre 14, 2017 sa Manila ang ika-31 Summit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at serye ng mga pulong ng mga lider ng Silangang Asya. Ang Singapore ang magiging tagapangulong bansa ng ASEAN sa taong 2018.
Sa seremonya ng pagtatapos, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang taong 2017 ay ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN at sa susunod na 50 taon, dapat ibayo pang magsikap ang buong ASEAN para sa konstruksyon ng komunidad, Sentralidad at Konektibidad ng ASEAN.
Ipinahayag naman ni Punong Ministro Lee Hsien Loong ng Singapore na sa termino ng Singapore bilang tagapangulong bansa ng ASEAN, itatampok ang pagpapalakas ng kasiglahan at nukleong puwersa ng ASEAN sa pagharap sa mga hamon. Sasamantalahin din aniya ang mga pagkakataon sa rehiyong Asyano.
Sa panahon ng ika-31 ASEAN Summit, narating ng 10 bansang ASEAN ang isang serye ng dokumento hinggil sa pangangalaga sa karapatan ng mga migrant workers, at pagharap sa marahas na ekstrimismo.
Samantala, idinaos ang serye ng mga pulong ng mga lider ng Silangang Asya na gaya ng ika-20 pulong ng mga lider ng Tsina at ASEAN (10+1), ika-20 pulong ng mga lider ng Tsina, Hapon, Timog Korea at ASEAN (10+3), ika-12 East Asia Summit (EAS), at pulong ng mga lider ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Dumalo sa nasabing mga pulong ang mga lider ng 10 bansang ASEAN, Tsina, Amerika, Rusya, Hapon, Timog Korea, Canada, Australia, New Zealand, at India.