|
||||||||
|
||
BANTAYOG PARA SA COMFORT WOMEN PINASINAYAAN. Makikita ang mga opisyal ng pamahalan sa pamamagitan ni Chairman Rene R. Escalante ng National Historical Commission, City Administrator Ericsson Alcovendaz at ng NGO na Tulay Foundation sa pamumuno ng negosyanteng si Dorian Chua sa pagpapasinaya ng bantayog sa gumugunita sa mga biktima ng panghahalay noong Ikalawang Digmaang Pangdaigdig. (Melo M. Acuna)
PORMAL na pinasinayaan ang anim na talampakang bantayog na gawa sa tanso sa Baywalk ng Roxas Blvd. sa Maynila kanina. Ang bantayog ang siyang gumugunita sa mga kababaihang Filipino na inabuso ng mga Hapon noong nakalipas na Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sinabi ni Dr. Rene R. Escalante, chairman ng National Historical Commission na ang mga digmaan ay nag-iiwan ng mapapait na ala-ala sa lahat. Isa umano sa pinakamalaki at pinakamadugong krimen ang mga panghahalay na ginawa sa mga Filipina noong nakalipas na Dekada Kwarenta.
Libu-libo ang mga naging biktima, dagdag pa ni Dr. Escalante at mangilan-ngilan lamang ang lumabas upang magpahayag ng kanilang mapait na karanasan. Hindi madalas pag-usapan sa Pilipinas ang isyung ito at mumunti lamang ang mga nagawang pananaliksik sa mga malalagim na karanasan ng mga biktima.
Ayon pa kay Dr. Escalante, ang mga nakaligtas at lumantad ay patuloy pa ring naghahanap na katarungan. Pinasalamatan niya ang Tulay Foundation na pinamumunuan ng mangangalakal na si Dorian Chua at ang Pamahalang Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng kinatawan nitong si Atty. Erickson Alcovendaz sa pagtutulungan upang mabuo ang makasaysayang proyekto.
Mula kay Jonas Roces, isang eskultor na Filipino ang bantayog. Pormal na inilipat ang bantayog sa pangangalaga ng City Government of Manila.
Samantala, sinabi ni Gert Ranjo-Libang, vice chairperson ng Gabriela at isa sa mga nangangasiwa sa Lila Filipina, na marapat pasalamatan ang lahat ng tumulong sa pagbuo ng proyekto. Nanawagan din siya sa pamahalang Hapones na kilalanin ang karanasan ng comfort women at magbigay ng bayad-pinsala bukod sa pagtutuwid ng mga detalyes sa kanilang aklat ng kasaysayan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |