|
||||||||
|
||
Mga larawang kuha ng mga kagawad ng AFP Western Mindanao Command na nagsusuri sa pinsala ng bagyong "Vinta" sa Sibuco, Zamboanga del Norte kahapon. Makikita ang kakaibang kulay ng tubig sa babyar-dagat na nagpapatunay na nagkaroon ng pagbaha mula sa kabundukan. (AFP Western Mindanao Command)
TULOY ang operasyon ng pamahalaan upang matulungan ang mga biktima ng bagyong "Vinta" na nanalasa sa Mindanao mula noong Biyernes hanggang sa makalabas sa Philippine Area of Responsibility kahapon ng umaga.
Ayon kay Bb. Romina Marasigan, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, may 164 katao na ang deklaradong nasawi samantalang mayroong 171 nawawala.
Maingat umano sila sa paglalabas ng bilang ng mga nasawi at nawawala sapagkat may posibilidad na madoble ang ulat. Ginagawa na ng Department of Interior and Local Government ang kaukulang pagsusuri sa ulat at bilang.
Sa isang press briefing kaninang tanghali, sinabi ni Bb. Marasigan na mayroong higit sa 20,000 mga pamilya ang pansamantalang naninirahan sa 261 evacuation centers samantalang mayroong higit sa 16,000 mga pamilya ang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak.
Sa likod ng pangyayaring ito, binabantayan ng pamahalaan ang paparating na sama ng panahong papasok sa nasasakupan ng Pilipinas pagsapit ng Bagong Taon. Ayon kay Bb. Marasigan, nakatuon din ang kanilang pansin sa namumuong sama ng panahon.
Tumutugon na ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagdadala ng food at non-food items sa mga biktima ng bagyo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |