Ipinahayag unang araw ng 2018 ni Park Soo Hyun, Tagapagsalita ng Palasyong Pampanguluhan ng Timog Korea na positibo ang kanyang bansa sa pahayag ni Kim Jong Un, Kataas-taasang lider ng Hilagang Korea hinggil sa pagpapabuti ng bilateral na relasyon ng dalawang panig sa bagong taon, at nakatakdang pagpapadala ng nasabing bansa ng delegasyong pampalakasan sa Pyeongchang Winter Olympic Games.
Ani Park, nakahanda ang Timog Korea na makipagdiyalogo sa Hilagang Korea sa pamamagitan ng anumang paraan, para mapanumbalik ang pagtutulungan ng dalawang panig at kapayapaan ng Peninsula ng Korea.
Umaasa aniya siyang magkasamang magsisikap ang dalawang panig para maisakatuparan ang kapayapaan ng Peninsula ng Korea. Dagdag pa niya, inaasahang magiging matagumpay at mapayapa ang pagtitipon sa Pyeongchang Winter Olympic Games. Ito aniya'y para sa pagpapasulong ng kapayapaan ng Peninsula ng Korea, Hilagang Silangang Asya at buong daigdig.