Ayon sa ulat ngayong araw, Miyerkules, ika-3 ng Enero 2018, ng Central Television ng Hilagang Korea, batay sa kautusan ni Kim Jong Un, kataas-taasang lider ng bansang ito, napanumbalik na nang araw ring iyon ang hotline sa pagitan ng Hilaga at Timog Korea sa Panmunjom.
Ayon sa naunang ulat, ito ay para magsagawa ang dalawang bansa ng mga working-level discussion hinggil sa pagpapadala ng H.Korea ng delegasyon sa Winter Olympics na idaraos sa Pyeongchang ng T.Korea.
Ang naturang communications channel ay naputol noong 2016, sapul nang sarhan ng T.Korea ang magkasanib na Kaesong Industrial Zone, pagkaraang isagawa ng H.Korea ang ikaapat na nuclear test.
Salin: Liu Kai