|
||||||||
|
||
MILF CHAIRMAN AL HAJ MURAD: "Kailangang ipasa na ang Bangsamoro Basic Law upang maganap ang kapayapaan at kaunlaran sa mga Bangsamoro," (Melo M. Acuna)
SINABI ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim na kailangang maipasa na ang panukalang Bangsamoro Basic Law sapagkat nahaharap ang liderato ng kanilang samahan sa matinding hamon mula sa mga extremist na nagsasabing walang patutunguhan ang mga kasunduan sa pamahalaan.
Sa kanyang pagharap sa Foreign Correspondents Association of the Philippines Prospects for 2018, sinabi ni G. Murad na ang hindi pagpapatupad ng 1976 Tripoli Agreement ang naging dahilan ng pagkakahati ng Moro National Liberation Front at nagkaroon ng Moro Islamic Liberation Front. Sa hindi pagpapatupad ng nilalaman ng 1996 Final Peace Agreement ng pamahalaan at MNLF, nabuo ang Abu Sayyaf at sa hindi pagkakalagda sa 2008 Memorandum of Agreement on Ancestral Domain ang naging dahilan ng pagkakaroon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters samantalang ang hindi pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law mula noong 2015 hanggang 2016 ang naging dahilan ng pagkakaroon ng Maute Group na nanalasa sa Marawi City noong nakalipas na ika-23 Mayo.
Nalagasan na rin umano ang MILF ng 24 katao sa pakikidigma sa mga teroristang Pilipino at banyaga kamakailan.
Ipinaliwanag ni G. Murad na tumupad sila sa mga itinatadhana ng kasunduan tulad ng pagtalima sa palatuntunan ng United Nations na nagbabawal sa pagkakaroon ng mga batang mandirigma at naalis na ang kanilang samahan sa talaan ng mga lumalabag sa kasunduang pandaigdig. Nagkaroon na rin sila ng pagsira sa mga sandata na kinabibilangan ng ilang high-powered firearms. Natanggal na rin sa kanilang talaan ang 145 mandirigma.
Inamin pa ni G. Murad na nakakapasok ang mga banyagang terorista sa pamamagitan ng mga baybay-dagat sa Timog Pilipinas. Hindi lamang mga Indones at Malaysian ang mga banyagang nakikipaglaban sa pamahalaan sapagkat mayroong mga nagmula sa Middle East.
Binanggit din ni G. Murad na matagal pa bago sumalakay ang mga Maute sa Marawi City ay pinalalabas na nila ang balita hinggil sa kanilang balak subalit walang naniwala.
Lumahok umano ang Abu Sayyaf sa pakikidigma sa Marawi City sapagkat isa sa mga pinuno ng Abu Sayyaf ang nagka-asawa ng isang dalaga mula sa angkan ng mga Maute.
Sa paglikas ng mga taga-Marawi sa pagsiklab ng digmaan, naiwan nila ang kanilang mga salapi sa mga kaha de yero kasama na rin ang kanilang mga sandata kaya't nakinabang ang mga sumalakay na Maute at Abu Sayyaf.
Bukod sa mga sandata at salaping nakubkob sa Marawi City ay nagpatuloy ang ilegal na kalakal ng mga gunrunner kaya't tuloy ang digmaan at pagbuhos ng mga baril at bala, dagdag pa ni G. Murad.
Ayon kay G. Murad, sa pagkasupil sa ISIS sa Middle East, malaki ang posibilidad na maghangad ang mga teroristang magkuta sa Pilipinas at sa mga kalapit-bansa. Niliwanag niyang dumalaw na sila sa Indonesia at nakapanayam ang mga opisyal doon at nagkasundong magtutulungan sapagkat nangangamba rin silang makapasok ang mga terorista sa kanilang bansa, sa Malaysia at sa Pilipinas.
Sa oras na makapagkuta ang mga ito sa Pilipinas, tiyak na makakadama rin ng sigalot ang mga nasa Indonesia at Malaysia, dagdag pa ni G. Murad.
Sa Question and Answer session, sinabi ni G. Murad na may impormasyon silang magtatangka ang mga Maute at mga terorista na magparamdam sa Iligan o sa Cotabato sa mga susunod na araw.
Mayroon ding pagbabahaginan ng impormasyon ang MILF at ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas at maging ang Pambansang Pulisya.
Binanggit pa niya na mayroong isanf Canadian-Arab na Muslim na nakapasok ng Pilipinas noong Enero at lumahok na sa Abu Sayyaf.
Hindi magwawagi ang MILF laban sa mga terorista kung hindi makakamtan ang kapayapaan sa Kongreso na siyang may tangan ng mga panukalang batas sa ikauunlad ng mga Bangsamoro, dagdag pa ni G. Murad.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |