|
||||||||
|
||
IGINIIT ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na umalis sa Rome Statute ay nag-ugat sa paglabag ni ICC prosecutor Fatou Bensouda sa "principle of complementarity."
Sa isang pahayag, sinabi ni Secretary Roque na ang ICC ay makapaglilitis lamang ng mga krimen kung hindi nakakakilos o nakagaganap ng papel ang mga hukuman o tumatangging kumilos. Hindi umano ito nagaganap sa Pilipinas.
Sa isang press briefing sa Malacanang, sinabi ni Secretary Roque na ang ICC ay lumabag sa complementarity rule na dahilan kaya't lumahok ang Pilipinas sa pandaigdigang hukuman. Magugunitang nagsimula ng preliminary examination sa mga reklamo ang ICC laban kay Pangulong Duterte sa kampanya niya laban sa droga. Nagsimula ng pagsisiyasat ang ICC kahit pa handa ang mga hukuman sa Pilipinas na gumanap sa papel nito.
Hindi umano "court of first instance" ang ICC at binubuo ng mga kasapi sa ICC na kinabibilangan ng Pilipinas upang maging "court of last resort."
Kumikilos umano ang lahat ng mga hukuman sa Pilipinas.
Idinagdag pa ni G. Roque na nakatanggap na ng kautusan si Executive Secretary Salvador Medialdea mula sa pangulo na umalis na ang bansa sa ICC. Inutusan na si G. Medialdea na lumiham na sa United Nations Secretary General na tumatalikod na ang Pilipinas at umaalis bilang State Party sa Rome Statute na bumubuo ng ICC.
Susunod sa kautusan si G. Medialdea sa pamamagitan ng angkop na diplomatic procedure sa pakikipagtulungan sa Department of Foreign Affairs.
Malaki umanong kawalan sa ICC ang pag-alis ng Pilipinas sapagkat maaring sumunod ang ibang bansa sa Asia.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |