Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga bahay-kalakal ng Pilipinas, may pag-asang iluluwas ang mas maraming produkto sa Tsina

(GMT+08:00) 2018-03-16 11:34:19       CRI

Lugar na pinadarausan ng promosyon ng CIIE

Makati—Sa ilalim ng balangkas ng Belt and Road initiative, ibayo pang bubuksan ng Tsina ang domestikong pamilihan sa mga trade partner na kinabibilangan ng Pilipinas para angkatin ang mas maraming dayuhang produkto at serbiyo.

Itinaguyod Huwebes, ika-15 ng Marso, 2018 sa Makati City, ng Department ng Trade and Industry (DTI) ng Pilipinas at Ministri ng Komersyo ng Tsina ang promosyon ng China International Import Expo (CIIE), para hikayatin ang paglahok ng mga bahay-kalakal ng Pilipinas. Dumalo sa promosyong ito ang halos 300 kinatawan ng Tsina at Pilipinas.

Si Zhao Jianhua, Embahador Tsino sa Pilipinas

Ang CIIE ay unang pambansang expo ng Tsina na nakatuon lamang sa pag-aangkat ng mga dayuhang produkto at serbisyo. Ipinahayag ni Embahador Tsino Zhao Jianhua na nakahanda ang Tsina na ibayo pang bubuksan ang domestikong pamilihan sa daigdig para ibahagi, kasama ng mga trade partner, ang pagkakataon ng pag-unlad.

Ipinahayag naman ni Ramon M. Lopez, Secretary of Trade and Industry ng Pilipinas, na ang CIIE ay magandang pagkakataon para sa pagpasok ng mas maraming bahay-kalakal sa pamilihang Tsino. Ito rin aniya ay makakatulong sa pagbabawas ng trade deficit ng dalawang bansa.

Si Ramon M. Lopez, DTI Secretary

Mula ika-5 hanggang ika-10 ng darating na Nobyembre, idaraos sa Shanghai, Tsina ang unang CIIE. Ang lugar na pagdarausan ng ekspo ay may laking 240,000 metro kuwadrado. Tinatayang ang bilang ng mga exhibitor ng Pilipinas ay aabot sa 150.

Sa nasabing promosyon, sinabi ni Liu Jun, Commercial Counsellor ng Departamento ng Asya ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na mag-iimbita sila ng mga purchasers sa expo batay sa aktuwal na kahilingan ng mga exhibitors. Dagdag pa niya, isasagawa ng mga departamento ng pamahalaang sentral ng Tsina at pamahalaan ng Shanghai ang mga hakbangin para mapadali ang pagpasok ng mga produkto sa Tsina at pangangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga exhibitors.

Sinabi ni Secretary Lopez na sa idaraos na CIIE, pangunahing ipopromote ng Pilipinas ang mga produkto sa pamilihang Tsino na gaya ng electrical machinery, mineral products, garments, accessories, handicraft at service.

Sinabi pa niyang ang mga bentahe ng produktong Pilipino ay kinabibilangan ng de-kalidad, makatuwirang presyo at magandang disenyo. Dagdag pa niya, ang pinakamalaking hamon para sa mga Filipino exhibitors ay kung papaanong pataasin ang kanilang production capacity para makatugon sa malaking pangangailangan ng pamilihang Tsino at harapin sa kompetisyon ng ibang mga bahay-kalakal ng buong daigdig.

Noong 2017, ang Tsina ay naging pinakamalaking trade partner ng Pilipinas at ika-4 na pinakamalaking pamilihang pinagluluwasan ng bansang ito. Ayon sa datos ng DTI, ang bahagdan ng paglaki ng pagluluwas ng Pilipinas sa Tsina ay lumaki ng 9.73% kumpara sa taong 2016.

Sinabi ni Secretary Lopez na ang CIIE ay isang mahalagang pagkakataon para ipakita ang trade capabilities ng Pilipinas. Ito rin aniya ang plataporma sa pagpapalaki ng pamumuhunan sa pagitan ng dalawang bansa.

Sinabi ni Embahador Zhao na kasunod ng mabilis na pag-unlad ng Tsina at pagbuti ng pamumuhay ng mga mamamayang Tsino, nananatiling lumalaki ang pangangailangan ng konsumo sa mga dayuhang produkto. Naniniwala aniya siyang ang Tsina ay magiging pinakamalaking bansang pinagluluwasan ng Pilipinas sa hinaharap.

Sinabi pa ni Zhao na matatag na kinakatigan ng Tsina ang malayang kalakalan at globalisasyon ng kabuhayan. Dagdag pa niya, ang pagbubukas ng pamilihang Tsino sa daigdig ay angkop sa kahilingan ng pag-unlad ng Tsina at buong daigdig para makinabang dito ang mas maraming umuunlad na bansa.

Noong ika-4 ng Mayo ng taong 2017, ipinatalastas sa Belt and Road Forum (BRF) ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na mula taong 2018, idaraos ng Tsina ang CIIE, para pasulungin ang relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at mga kasaling bansa sa "Belt and Road" Initiative na may mutuwal na kapakinabangan, mapadali ang pamumuhunan at negosyo sa pagitan ng dalawang panig, at itatag ang network ng malayang kalakalan ng "Belt and Road" Initiative.

Ulat/Larawan: Ernest/Sissi

Web Editor:Lele

 

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>