MARIING pinuna ng PISTON, samahan ng mga progresibong tsuper ng jeepney ang Malacanang sa pagsuspinde ng klase dahil umano sa napipintong welga ng mga tsuper.
Sinabi ni G. George San Mateo na iisang araw lamang ang kanilang pagkilos. Wala silang nadeklarang isang linggong pagkilos. Sa panayam, sinabi ni San Mateo na sa kanilang ginawang tigil-pasada kahapon, naroon ang MMDA, mga pulis, mga opisyal ng LTFRB at si Quezon City Police District Director Guillermo Eleazar. Batid umano ng pulisya na iisang araw lamang ang kanilang pagkilos.
Malisyoso umano ang Malacanang sa desisyong kanselahin ang klase. Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na may utos si Pangulong Duterte na kanselahin ang klase sa oras na lumabas na may bantang pagtitigil-pasada ng mga tsuper ng jeep.