|
||||||||
|
||
Si Kalihim Alan Peter Cayetano kasama ni Ministro Wang Yi. Si Cayetano ang kauna-unahang opisyal dayuhang kinatagpo ni Wang Yi pagkatapos maihalal bilang Kasangguni ng Konseho ng Estado
Malugod na tinanggap ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministro ng Ugnayang Panlabas ng Tsina ang dumadalaw ng Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas na si Alan Peter Cayetano Huwebes, Marso 21, 2018 sa Diaoyutai State Guesthouse sa Beijing.
Ang dalawang opisyal ay nagsagawa ng magkasamang preskon matapos ang kanilang pag-uusap nang araw ring iyon.
Si Cayetano ang unang foreign minister na dumalaw sa Tsina matapos maitatag ang bagong pamahalaang Tsino na nagpapakita ng kahalagahan ng ugnayang Sino-Pilipino.
Sa preskon, ipinahayag ni Wang Yi na ang kalagayan ng ugnayang ito ay nasa pinakamainam na kalagayan ngayon. Ito ay dahil sa mutuwal na pagsasanggunian sa pagitan ng magkapit-bansa. Ito ani Wang ay para sa komong interes ng dalawang panig na umaayon sa takbo ng kaunlaran at hangarin ng mga bansa sa rehiyon.
Mula 2016 ang pagpapalitan sa mataas na antas ay mas humigpit, ang mutuwal na pagtitiwalang pulitikal ay patuloy na bumubuti, at ang kooperasyon sa lahat ng aspekto at nanumbalik sa normal at umunlad, dagdag pa ni Wang.
Ang dalawang panig pahayag ni Wang ay lumagda sa 40 mga dokumento ng kooperasyon, at ang cooperation potential ng mga ito ay mabilis na tumaas.
Aniya, noong isang taon, ang trade volume ng Tsina at Pilipinas ay humigit sa US$50 bilyon. Ang Tsina ang naging pinakamalaking trading partner ng Pilipinas at lumaki rin ang pamumuhunan nito sa bansa ng 67%.
Dalawang 1 milyon, nakamit ng Pilipinas
Ibinahagi rin ni Wang na nakamit ng Tsina at Pilipinas ang dalawang " isang milyon" noong isang taon.
Ang una, inangkat ng Tsina ang isang milyong tonelada ng mga prutas mula sa Pilipinas. Pangalawa, umabot sa 1 milyon ang mga turistang Tsino sa Pilipinas.
Ang dalawang "1 million" ay nakapagbigay ng mga benepisyo sa dalawang bansa lalo na sa mga mamamayan ng Pilipinas.
Sinabi ni Wang na ang dahilan upang makamit ito ay mula sa tama at malakas na pamumuno ng dalawang pangulo ng mga bansa. Narating nina Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Xi Jinping ang consensus hinggil sa pagpapaunlad ng bilateral na relasyon.
Malugod na tinatanggap ng Tsina ang gagawing pagdalo ni Pangulong Duterte sa Boao Forum for Asia Annual Meeting sa Abril. Ang pagdalaw na ito ay makapagpapasulong pa sa ugnayan ng dalawang bansa.
4 na Aspekto ng Kooperasyon sa hinaharap
Ipinahayag din ni Wang na ang Tsina at Pilipinas ay magbibigay ng pansin sa apat na aspekto ng kooperasyon: una pagpopromote ng cooperation sa ilalim ng Belt and Road Initiative para sa komong kaunlaran. Ang Pilipinas aniya ay dapat maging importanteng kasali at tagapakinabang nito.
Ikalawa, isulong ang pagpapalitang kultural at kooperasyon. Ani Wang, ipagpapatuloy ng dalawang panig ang "two pillars of cooperation" sa seguridad at kaunlaran habang nililikha ang ikatlong "pillar" sa pagpapalitan ng mga mamamayan na magiging batayan sa mas mahaba at matatag na ugnayan sa hinaharap.
Ikatlo ang pagsusulong ng diyalogo at kooperasyon sa karagatan. Ika-apat ang pagpopromote ng integrasyon at kooperasyon sa rehiyon. Ang Tsina ang pinakamasugid na tagasuporta ng ASEAN at pinaka-aktibong kalahok ng East Asian Cooperation. Sa darating na Agosto 2018, ang Pilipinas ang magiging bansang tagapagkoordina ng China-ASEAN relations. Ang dalawang panig ay magkasamang magpapatupad ng mga aktibidad na may kinalaman sa ika-15 anibersaryo ng pagtatag ng China-ASEAN Strategic Partnership.
Bilang tugon inabot ni Kalihim Cayetano ang sulat pambati ni Pangulong Duterte kay Pangulong Xi sa muling pagkakahalal nito at ipinaabot ang pagdating sa matagumpay na pagdaraos ng Two Sessions. Ipinarating niya malaking pagpapahalaga ng pangulo at ng bansa sa ugnayan ng Tsina at Pilipinas na ngayon ay nasa "golden period" at may positibong momentum ay handa nang magkasamang humarap sa mas maraming pagsubok.
Batay sa natamong mabuting ugnayan, nais isulong ng Pilipinas ang pagtutulungan sa turismo, kalakalan, pananalapi at paglaban sa droga. Inaasahan din niya ang pagtutulungan sa mga larangang tulad ng palakasan, agham at teknolohiya, sining at kultura.
Pinasalamatan din ni Cayetano ang Tsina sa tulong nito para sa Marawi. At ang ambag nito sa "Build Build Build" program ng bansa, maging ang 1 milyong turismo at pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.
Inaasahan niya ang mabilis na pagpapatupad ng mga kasunduan ng dalawang panig upang lubos na mapakinabangan ng mga mamamayan.
Ipinahayag din ni Cayetano ang pagsuporta ng Pilipinas sa Belt and Road Initiative at sinabing ito ay angkop sa planong pangkaunlaran ng bansa at sa Master Plan on ASEAN Connectivity.
Kinumpirma din ni Cayetano ang pagdalo ni Pangulong Duterte sa Boao Forum for Asia na gaganapin sa Abril sa Hainan province, China.
Hinggil sa mga naganap na pakikipag-usap sa panig Tsino, ipinahayag niya ang kasiyahan sa kinalabasan, at umaasa sa patuloy na pagbuti ng ugnayan ng Pilipinas at Tsina at ang magiging mabuting bunga nito para sa mga mamamayan ng dalawang bansa.
Ulat: Mac Ramos
Larawan : Mac Ramos at Rhio Zablan
Editor:Jade
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |