|
||||||||
|
||
PATULOY na naghihirap ang mga mamamayan ng bansa, ayon sa Freedom from Debt Coalition kasama ang mga manggagawa, magsasaka, kababaihan at iba pang grupong progresibo.
Wala pa umanong dalawang taon sa kanyang tungkulin si Pangulong Duterte, naganap na ang pagbabago maliban sa ang pagbabagong nakamtan at nasaksihan at nagpahirap sa mga manggagawa at mga mamamayan. Nakikita ito sa pagbibigay halaga ni Pangulong Duterte sa mga malalaking mangangalakal. Partikular na binanggit nila ang masamang dagok na dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion na siyang higit na nagpasakit sa mga mamamayang mahihirap.
Wala umanong naganap sa mga ipinangako noong nakalipas na kampanya tulad ng pagtatapos sa kontraktuwalisasyon. Nagkatotoo ang kanyang pangako sa gma mangangalakal sa ilalim ng Dutertenomics subalit naiwanan ang may 1.3 milyong manggagawang saklaw ng mga kontrata.
Nakipagsabwatan umano si Pangulong Duterte sa mayayaman at may poder upang ipagsanggalan ang kanilang mga proyekto, pahirapan ang mga aktibista, mga militante at ang mga kabilang sa oposisyon. Marami ring mga nagkakasalang 'di naparurusahan o napapanagot sa kanilang mga paglabag sa batas. Nabanggit din ang mga extra-judicial killing at ang peligrong dulot ng bakunang Dengvaxia.
Samantalang patuloy na yumayaman ang mga mayayaman at naghihirap ang mahihirap, lumalabas na walang interes si Pangulong Duterte na dinggin ang mga hinagpis ng mahihirap. Tanging mga kaalyado lamang ang nakikinabang sa mga palakad ng kasalukuyang administrasyon, dagdag pa ng Freedom from Debt Coalition.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |