|
||||||||
|
||
PAGPAPATUPAD NG BATAS SA PANGINGISDA, MAY KAPALIT NA BIYAYA. Ito ang paniniwala ni Congressman Fernando Vallejo Gonzales sa pagdagsa ng Spanish mackerel sa Barangay Catburawan, Ligao City sa nakalipas na 15 araw. (Melo M. Acuna)
MULA ISA HANGGANG ISA'T KALAHATING TONELADA ANG ISDANG DUMATING SA CATBURAWAN. Masayang ibinalita ni Barangay Chairman Melquiades Bellen ang biyayang dumating sa kanilang barangay sa sunod-sunod na 15 araw. Nagkakahalaga umano ito ng halos o higit sa kalahating milyong piso. (Melo M. Acuna)
HALOS kalahating milyong piso ang pinaghatian ng mga mangingisda mula sa Catburawan, Ligao City mula ng dumagsa ang mga isdang tanguigue na kilala sa pangalang Spanish mackerel may dalawang linggo na ang nakalilipas.
Ani Congressman Fernando Vallejo Gonzales, malaking biyaya ito para sa mga mangingisda na karamiha'y mahihirap na nagtatrabaho rin bilang mga magsasaka sa mga palayan kungdi man umaasa sa padala ng kanilang mga maybahay na nagtatrabaho sa Metro Manila.
Sinabi ni Barangay Chairman Melquiades Bellen ng Catburawan, hindi bababa sa isang tonelada at maaaring umabot pa sa isa't kalahating tonelada ang mga tanguigue na dumating sa kanilang barangay magkakalahating buwan na ang nakalilipas.
Naniniwala sina Congressman Gonzales at Barangay Chairman Bellen na naganap ito sa mahigpit na pagpapatupad ng batas sa pangingisda sa tatlong barangay sa baybay-dagat ng Burias Pass. Pinagbabawalan ang mga mapaminsalang paraan ng pangingisda sa pamamagitan ng kanilang mga bantay-dagat o fish warden. May 11 kataong bantay-dagat sa Barangay Tambac na nagpapatrolya sa karagatan at nagsusumbong sa mga autoridad sa oras na mayroong mga lumabag sa batas.
Ipinaliwanag naman ni Maria Soledad Preña, City Environment and Natural Resources Officer, bukod sa pagpapatupag ng mga kautusan sa larangan ng pangingisda, sinimulan na rin nila ang pagtatanim ng mga bakawan sa kanilang mangrove area upang mapangalagaan ang karagatan at mga barangay at ang mga likas na yamang dulot nito. May 40 ektaryang mga bakawan ang kanilang inaalagaan ngayon.
Karamihan ng mga mangingisda ay tumatanggap ng biyaya mula sa conditional cash transfer na kinabibilangan din ng mga nakalsita sa National Household Targetting Program.
Sinabi ni Congressman Gonzales na 'di magiging makabuluhan ang pagtatayo ng ice plant sa mga barangay ng mga mangingisda sapagkat may takdang panahon ang pangingisda.
Walang mangingisda sa pagsapit ng panahong habagat sapagkat nakapalalaki ng alon. Sa oras na mawalan ng hanapbuhay ang mga mangingisda sa sama ng panahon, may food-for-work program si Congressman Gonzales.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |