KAILANGANG marinig din ang panig ni Sr. Patricia Anne Fox bago ipatupad ang sinasabing pagpapauwi sa kanya sa Australia.
Ito ang pahayag ni Arsobispo Romulo G. Valles, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na inilabas kanina.
Ang mga isyu ay pawang legal at tulad ng naunang pahayag, sinabi Arsobispo Valles na ang kanilang nababalita ay pawang mula sa mga pahayagan, radyo at telebisyon at naghihintay sila ng panig ng kongregasyong Notre Dame of Sion. Batid nila ang desisyon ng Bureau of Immigration at ganoon din ang pahayag ng abogado ni Sr. Patricia Anne Fox na dudulog sa mga hukuman.
Nanawagan si Arsobispo Valles na magkaroon ng pagkakataon ang madre na magpaliwanag ng kanyang panig. Idinagdag pa ni Arsobispo Valles na naniniwala sila sa katapatan ni Sr. Patricia na maglingkod sa mga aba't mahihirap. Sumusunod lamang ang 71-taong gulang na madre sa turo ng kanyang pananampalataya.