|
||||||||
|
||
SINABI ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia na tumutugma ang mga rekomendasyon ng World Bank sa programang napapaloob sa Philippine Development Plan 2017-2022.
Magugunitang inilunsad ng World Bank ang kanilang pagsusuri sa mga mahihirap sa Pilipinas mula 2006 hanggang 2015 na nakatuon sa pagkakaroon ng mas maraming trabaho, pagsasanay ng mga manggagawa at pagbabawas ng kahirapan at panganib para sa mga mamamayan,
Ani Secretary Pernia, napapaloob na sa Philippine Development Plan ang mga paraan upang magkatotoo ang mas malawakang kaunlaran. Sa ginawang pagsusuri ng World Bank, higit na lalakas ang pakikipagtulungan ng pamahalaan hinggil sa pagtugon sa kahirapan.
Dumalo ang mga ahensya ng pamahalaan, kabalikat na mga institusyon, mga namumuno sa mga civil society organizations at mga alagad ng Akademya.
Binanggit na ni Secretary Pernia ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas maayos at matatag na hanapbuhay at mapigil ang masamang epekto ng inflation.
Magkakatotoo ang mga binabalak na paraan kung magkakaroon ng ibayong kapital sa de kalidad na edukasyon at pagtugon sa mga isyung pangkalusugan. Kailangan ding mapasigla ang sektor ng pagsasaka na matagal nang nalimutan.
Paraan umano ng pamahalaang paggamit sa Build, Build, Build upang magkaroon ng hanapbuhay ang mga mamamayan sa iba't ibang bahagi ng bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |