|
||||||||
|
||
NAKATAKDANG umalis si Pangulong Rodrigo Duterte patungo sa Seoul, South Korea para sa tatlong araw na opisyal na pagdalaw. Babalik siya sa darating na Martes.
Sa isang briefing sa Malacanang, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella na mahalaga ang mga paksang pag-uusapan nina Pangulong Duterte at Pangulong Moon Jae-In tulad ng kahalagahan ng pagpapalalim ng relasyon ng dalawang bansa. Ipagdiriwang ang ika-70 (taong) anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatic relations ng dalawang bansa sa susunod na taon.
Nagsimula ang opisyal na relasyon ng dalawang bansa noong ikatlong araw ng Marso 1949.
Dadalo rin si pangulong Duterte sa E-Mart Philippine Food Festival. Paksa ng dalawang pinuno ng bansa ang relasyong namamagitan at ang pagtulong ng South Korea sa pagbangon ng Marawi City. Paksa rin ang proteksyon ng mga mamamayan sa magkabilang bansa.
Noong 2017, umabot sa 1.6 milyong Koreano ang dumalaw sa Pilipinas samantalang mayroong 450,000 mga Filipino ang dumalaw sa Korea. Nagbigay din ang Korean government sa pamamagitan ng Philippine Red Cross ng US$ 100 milyon para sa Marawi City.
Magkakaroon din ng press conference pagkatapos ng kanilang pag-uusap. Aalis si Pangulong Duterte sa Linggo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |