MAY pag-asang nababanaag si Pangulong Rodrigo Duterte tungo sa pakikipag-usap sa Communist Party of the Philippines sa ilalim ni Jose Ma. Sison. Inulit niya ang kanyang panawagan at pangakong makatitiyak ng kaligtasan ang dating propesor sa University of the Philippines sa loob ng dalawang buwan upang matuldukan na ang mga labanan sa kanayunan.
Sa kanyang talumpati sa ika-120 taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite, sinabi ni Pangulong Duterte na makikipag-usap siya sa mga kalaban ng pamahalaan kahit pa nagkaproblema ang mga negosasyon noong nakalipas na panahon.
Kailangan lamang huminto ang labanan sa kanayunan upang makapag-usap hinggil sa kapayapaan.
Bagaman, sinabi niyang hindi siya nakatitiyak na babalik sa bansa si Professor Sison sa likod ng kanyang paanyaya.