|
||||||||
|
||
NAGLABAS ng pahayag ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) hinggil sa pagpaslang kay Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabantuan noong nakalipas na Linggo ng gabi.
Sa pahayag na pinamagatang "What have you done?", sinabi ng mga superior na 'di katanggap-tanggap ang pagpatay sa tatlong pari at pagtatangka sa buhay ng isa pa sa loob ng anim na buwan. Ang mga pagpatay na ito ay nadagdag lamang sa higit sa 16 libong kamatayang na sinisiyasat pa ng pamahalaan.
Nagtanong ang mga pari't madre kung ano ang naging pagkakasala o pagkakamali ni Fr. Richmond Nilo upang maging dahilan ng pagpaslang. Kinondena ng mga pari't madre ang pagpaslang samantal;ang naghahanda sa ipagdiriwang na Misa noong Linggo sa isang barangay sa Zaragoza, Nueva Ecija.
Inihalintulad ng mga pari't madre ang pumaslang sa pari kay Cain na natakot para sa kanyang kaligtasan na nawalan ng mapapagkanlungan.
Samantalang nagdarasal ang mga pari't madre kasabay ng pagluluksa sa pagkasawi ni Fr. Nilo, nananawagan sila sa pamahalaan na kumilos upang maibalik ang kapayapaan sa bansa.
Wala pa ring nadarakip ang mga pulis sa mga may kagagawan ng pagpatay mula noong nakalipas na Disyembre.
Nanawagan sila sa madla na igalang at pahalagahan ang buhay ng taong tanging Diyos ang pinagmulan at siyang patutunguhan. Nanawagan sila sa mga pusakal na huwag gumanap sa papel ng Panginoong Diyos na tanging may karapatang magwakas ng buhay.
Lumagda sina Fr. Cielito R. Almazan ng Franciscan Missionaries para sa mga pari't brother samantalang lumagda si Sr. Regina T. Kuizon ng Religious of the Good Shepherd para sa mga kababaihan. Kasama rin nilang lumagda sa pahayag ang 13 iba pang kasapi ng kanilang executive board.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |