NAGSIMULA kanina sa Lungsod ng Davao ang ikalawang bahagi ng malawakang kampanya laban sa plastic pollution.
Naidaos na ang World Environment Day at World Ocean's Day kamakailan at sinabayan na ng panawagan ng CleanSeas Pilipinas ang panawagan sa mga pamahalaang local.
Nangako si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tutulong sa kampanya. Sa kanyang talumpati, sinabi ng punong-lugsod na pinakamataas ang bilang ng mga gumagamit ng plastic sa mga lungsod. Ito ang dahilan kaya't nanawagan na rin siya sa kanyang mga kapwa halal ng bayan na tumulong sa kampanya.
Nanawagan naman ang CleanSeas Pilipinas sa mga kabilang sa pribadong sektor, mga paaralan, civil society organizations, international organizations at iba pa upang sumabay na sa kampanya.
Pangatlo ang Pilipinas sa marine biodiversity sa daigdig, pangatlo rin ang Pilipinas sa pinakamaraming basurang plastic sa karagatan. Nakapagbibigay ang Pilipinas ng higit sa 500 tonelada ng plastic sa karagatan. Ito ang sinabi ni UNDP Deputy Country Director Enrico Gaveglia.