|
||||||||
|
||
Ilang katao ang nasawi, ilang daan ang nawawala, at mahigit 6600 katao naman ang nawalan ng tahanan, pagkaraang gumuho ang dam ng isang itinatayong hydropower plant, na naganap kamakalawa ng gabi, Lunes, ika-23 ng Hulyo 2018, sa Laos.
Matatagpuan sa lalawigang Attapeu sa katimugan ng Laos ang nabanggit na Xepian-Xenamnoy hydropower plant. Ang konstruksyon nito ay joint venture na may puhunan mula sa 4 na kompanya ng Laos, Thailand, at Timog Korea.
Pagkaraang gumuho ang dam, lumabas sa loob ng ilang oras ang 5 bilyong metro-kubikong tubig, at grabeng binabaha ang karatig na 7 nayon.
Idineklara na ng pamahalaang Lao ang state of emergency sa mga apektadong lugar. Ipinadala rin nito ang mga rescue team, bangka, at kagamitan, at ipinagkakaloob ang mga tulong na materyal sa mga apektadong mamamayan. Kahapon, nagsadya sa lokalidad si Punong Ministro Thongloun Sisoulith ng Laos, para patnubayan ang mga gawaing panaklolo.
Samantala, sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita, ipinahayag kahapon ni Pangkalahatang Kalihim Antonio Guterres ng United Nations ang pakikiramay sa panig Lao kaugnay ng naturang aksidente. Nakahanda aniya ang UN na magbigay-tulong sa rescue work, kung may pangangailangan ang Laos.
Salin: Liu Kai
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |