Pagkaraang lagdaan kahapon, Lunes, ika-13 ng Agosto 2018, ni Pangulong Donald Trump ng Amerika ang Foreign Investment Risk Review Modernization Act, na magpapalakas ng kapangyarihan ng Committee on Foreign Investment ng bansang ito, sinabi ngayong araw ng tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na gagawin ng panig Tsino ang komprehensibong pag-aaral sa mga nilalaman ng naturang batas, at buong higpit na susubaybayan ang mga epekto sa mga bahay-kalakal na Tsino na dulot ng batas.
Dagdag ng nabanggit na tagapagsalita, ang transnasyonal na pamumuhunan ay tunguhin sa kasalukuyang globalisasyong pangkabuhayan. Aniya, may malakas na hangarin at malaking potensyal ang mga bahay-kalakal na Tsino at Amerika sa pagpapalalim ng kooperasyon sa pamumuhunan. Ipinahayag niya ang pag-asang aktibong tutugunan ng mga pamahalaan ng kapwa bansa ang pangangailangan ng kani-kanilang mga bahay-kalakal, para lumikha ng mainam na kapaligirang pampamumuhunan at maiwasan ang pagdulot ng hadlang sa kooperasyon sa pamumuhunan ng mga bahay-kalakal, dahil sa national security review.
Salin: Liu Kai