|
||||||||
|
||
Nakatakdang idaos sa Setyembre 3, 2018 ang Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC) 2018 Beijing Summit. Sa seremonya ng pagbubukas, bibigkas ng keynote speech si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, bilang punong abala ng gaganaping summit.
Ito ang ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina sa preskon kahapon, Agosto 22.
Si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina sa preskon sa Beijing, Agosto 22.
Ani Wang, sa talumpati ni Pangulong Xi, ilalahad niya ang mga bagong ideya ng Tsina sa pagpapalakas ng relasyong Sino-Aprikano, at mga bagong hakbangin sa pagpapasulong ng pragmatikong pagtutulungan ng dalawang panig.
Ayon kay Wang, lalahok sa summit ang mga lider Aprikano na kinabibilangan ng tagapangulo ng African Union (AU), kasama ng pangkalahatang kalihim ng United Nations (UN) bilang espesyal na panauhin at kinatawan mula sa 27 samahang pandaigdig at Aprikano bilang tagamasid.
Sa dalawang araw na summit, tatalakayin ng mga kalahok na lider at kinatawan ang hinggil sa relasyong Sino-Aprikano at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kanilang pinahahalagahan, dagdag pa ni Wang.
Itinatag 18 taon na ang nakakaraan, maraming natamong bunga ang FOCAC at naging karatula ito ng kooperasyong Sino-Aprikano. Nagsisilbi rin itong mekanismong nangunguna sa pandaigdig na pakikipagtulungan sa Aprika at nagpapasulong ng South-South Cooperation, ani pa ni Wang.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |