|
||||||||
|
||
PINAWALANG-BISA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnesty na iginawad ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III may walong taon na ang nakalilipas kay Senador Antonio Trillanes IV. Ayon sa Proclamation NO. 572, hindi tumupad si Senador Trillanes sa itinatadhana ng kanyang amnesty noong 2011.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang proklamasyon noong nakalipas na ika-31 ng Agosto, dalawang araw bago siya lumisan patungong Israel. Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na siyang hinirang na tagapangalaga ng pamahalaan samantalang nasa ibang bansa ang pangulo na ipatutupad na kaagad ang kautusan.
Ipinadarakip na si Senador Trillanes at ipinadadala sa dating pinagpiitan hanggang hindi natatapos ang mga usapin. Nakarating na ang may 40 tauhan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police at nakipag-usap na sa Senate of the Philippines Sergeant-At-Arms.
Inutusan din ni Pangulong Duterte sa pamamagitan ng Proclamation No. 572 ang Department of Justice at ang Armed Forces of the Philippines na ituloy ang lahat ng mga usapin lahan sa dating Navy Lt. Senior Grade na nasangkot sa Oakwood Mutiny at sa Manila Peninsula Hotel incident noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Samantala, hindi naman nadakip ng mga alagad ng batas si Senador Trillanes sapagkat napagkasunduan ng mga senador na pansamantalang mamalagi na lamang ang senador sa kanilang gusali samantalang kumikilos ang kanyang mga abogado sa hakbang na legal upang mapanatiling malaya ang mambabatas.
Sa kanyang pahayag, sinabi naman ni Senador Trillanes na walang nakabimbing usapin laban sa kanya sa mga hukuman at maging sa military court martial. Nakatugon siya sa mga hinihiling upang maibigay ang amnesty. Nakapanumpa pa umano siya ng katapatan sa pamahalaan sa harap ni noo'y Defense Secretary Voltaire Gazmin.
Idinagdag pa ng mambabatas na politika lamang ang nagaganap sapagkat patuloy niyang pinupuna ang liderato ni Pangulong Duterte.
Nanatili si Senador Trillanes sa Senado sa ilalim ng pangangalaga ni Senate President Vicente Sotto III sapagkat mayroon ding probisyong walang sinumang kasapi ng Kongreso na madarakip samantalang may sesyon ang legislatura.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |