SA inaasahang pananalasa ng bagyong "Ompong" sa mga susunod na araw sa iba't ibang bahagi ng bansa, inutusan na ni Public Works and Highways Secretary Mark A. Villar ang kanyang mga tauhan sa iba't ibang rehiyon at distrito na maghanda sa pag-aayos ng mga lansangan at tulay na posibleng maapektuhan ng malakas na bagyong papasok sa Philippine Area of Responsibility sa susunod na ilang araw.
Inutusan din niya ang kanyang mga tauhan na magdala ng mga kagamitan at mga tauhan sa mga karaniwang apektado ng sama ng panahon upang malinis at matiyak na ligtas ang mga lansangan.
Inutusan din silang makipagtulungan sa PAGASA, sa Office of Civil Defense, Philippine Army, Philippine National Police at maging sa mga pamahalaang local upang matiyak na makadaraan ang mga tauhan ng pamahalaan sampu ng kanilang mga sasakyan upang magdala ng relief goods sa mga biktima.