|
||||||||
|
||
WALA pang natatanggap na liham ang Commission on Higher Education mula sa Armed Forces of the Philippines hinggil sa sinasabing pangangalap ng mga kabilang sa Communist Party of the Philippines sa mga mag-aaral sa Metro Manila.
Ayon kay Commission on Higher Education officer-in-charge Cinderella Jaro, walang official communication mula sa Armed Forces of the Philippines at maging sa Philippine National Police. Ito ang kanyang pahayag sa press briefing sa Malacanang kanina. Ibinalita ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na may mga nagre-recruit ng mga mag-aaral upang lumahok sa malawakang pagkilos laban sa pamahalaan.
Ani Bb. Jaro, sa oras na magkaroon ng official communication mula sa AFP, kikilos sila kaagad. Aalamin nila kung anong katotohanan sa impormasyon.
Magugunitang sinabi ni Brig. General Antonio Parlade, Jr., ang deputy chief of staff for operations na mayroong 18 mga pamantasan sa Metro Manila ang kukunan ng Communist Party of the Philippines ng mga makakasama sa "Red October" laban kay Pangulong Duterte.
Kabilang sa mga binanggit ng heneral ang UP Diliman at UP Manila, Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, De La Salle University at ang Polytechnic University of the Philippines.
Kikilos lamang sila kung mayroong opisyal na liham ang Armed Forces of the Philippines, dagdag pa ni Bb. Jaro. Tiniyak din ng CHED officer in charge na ang mga Pamantasang saklaw ng pamahalaan ay 'di lalabag sa batas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |