|
||||||||
|
||
"Tayo ay nakasakay sa iisang bapor." Ito ang ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang talumpati ngayong araw sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) CEO Summit sa Papua New Guinea (PNG).
Si Pangulong Xi habang nagtatalumpati sa APEC CEO Summit (Larawan: CGTN)
Sa kanyang halos 40 minutong talumpating pinamagatang "Magsama-sama Sa Panahon ng Kagipitan at Makalikha ng Magandang Kinabukasan," ginawa ni Pangulong Xi ang kasaysayan bilang salamin, inanalisa ang pagbabago ng daigdig, at iniharap ang limang-puntong mungkahi para sa kaunlaran ng Asya-Pasipiko at pangangasiwa sa daigdig. Tampok ang nasabing mungkahi sa pagbubukas, pag-unlad, pagiging inklusibo, inobasyon at alituntunin.
Masasabing ang talumpati ni Pangulong Xi ay angkop sa inaasahan ng mga kasaping bansa ng APEC at komong interes ng mga mamamayan ng Asya-Pasipiko. Patunay ito ng matutunog na palakpakan mula sa mga tagapakinig.
Sa kasalukuyan, katumbas ng 40% ng buong populasyon ng daigdig ang populasyon ng 21 kasaping bansa ng APEC, samantalang ang GDP nito ay halos umaabot sa 60% ng GDP ng buong daigdig, at ang halaga ng kalakalan nito ay 47% ng buong daigdig. Ito ang bunga ng patuloy na pagpapaginhawa ng mga kasapi ng APEC sa malayang kalakalan at pamumuhunan, batay sa 2020 Bogor Goals na itinakda sa pulong ng mga lider ng APEC noong 1994.
Sa nalalapit na taning ng pagsasakatuparan ng 2020 Bogor Goals, kinakaharap ng daigdig hindi lamang ang pagkakataong dulot ng rebolusyon ng bagong teknolohiya at repormang industriyal, kundi ang pag-usbong ng proteksyonismo at atrasadong pangangasiwa sa daigdig.
Kaya, nanawagan si Pangulong Xi sa mga lider at CEO ng APEC na makatanaw sa kooperasyon makaraang maisakatuparan ang 2020 Bogor Goals at pasulungin ang pagtatatag ng sona ng malayang kalakalan (FTA) ng Asya-Pasipiko. Hiniling din niya na ipauna ng mga kasaping bansa ng APEC ang interes at benepisyo ng kanilang mga mamamayan at ilakip sa pambansang estratehiyang pangkaunlaran ang pagpapatupad sa UN 2030 Agenda for Sustainable Development.
Nitong 40 taong nakalipas sapul nang isagawa ng Tsina ang reporma't pagbubukas sa labas, walang-humpay na nagpapasulong ang Tsina sa pag-unlad ng Asya-Pasipiko, sa pamamagitan ng pagharap ng mga mungkahi at totong aksyon.
Noong 2016, ang halaga ng kalakalan ng Tsina at ibang mga kasapi ng APEC ay umabot sa 62% ng buong halaga ng kalakalan ng organisasyon, at ang direktang puhunan nito sa ibang kasapi ng APEC ay katumbas ng 72% ng buong direktang puhunan ng organisasyon. Higit pa, ang Tsina ay nagsisilbing pangunahing lakas-panulak sa pag-unlad ng APEC pagdating sa digital economy at konektibidad
Samantala, ang mga CEO ng APEC ay tagamasid, tagapag-ambag at benepisyaryo ng reporma't pagbubukas sa labas ng Tsina. Sa kanyang talumpati, muling ipinagdiinan ni Pangulong Xi na bukas sa lahat ang Belt and Road Initiative (BRI) na iniharap ng Tsina para sa komong kasaganaan. Patuloy na paluluwagin ng Tsina ang pagpasok sa pamilihang Tsino ng mga dayuhan, ibayo pang pangangalagaan ang karapatan sa pagmamay-ari sa likhang isip (IPR), at patataasin pa ang pag-aangkat ng bansa, dagdag pa ni Xi. Ipinahayag din ni Pangulong Xi ang imbitasyon sa mga kalahok na business leader na lumahok sa Ikalawang Belt and Road Forum for International Cooperation (BARF) at Ikalawang China International Import Expo (CIIE) sa taong 2019. Walang dudang ang nasabing mga gagawin ng Tsina ay magpapasigla ng pagtutulungan at paglaki ng kabuhayan ng Asya-Pasipiko.
Salin: Jade
Pulido: Mac
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |