Ipinatalastas kamakailan ng panig opisyal ng Tsina na mula taong 2019, ipagpapatuloy at kukumpletuhin ang patakaran sa cross-border e-commerce retail import. Kaungnay nito, ipinahayag Huwebes, Nobyembre 22, 2018 ni Tagapagsalita Gao Feng ng Ministri ng Komersyo ng Tsina na ilalabas ng kanyang ministri, kasama ng mga kaukulang departamento ang plano sa pagsusuperbisa't pangangasiwa sa lalong madaling panahon, at totohanang pabubutihin ang gawain ng pagpigil at pagkontrol sa panganib sa kalidad at seguridad.
Ayon sa estadistika ng adwana ng Tsina, mula Enero hanggang Setyembre ng 2018, 57.9 bilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng cross-border e-commerce retail import ng Tsina, at ito ay lumaki ng 56.5% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon.
Mula Enero 1 ng susunod na taon, isasagawa sa 22 bagong tatag na pilot zone ng cross-border e-commerce na gaya ng Beijing, Shenyang, Nanjing at Wuhan ang nabanggit na patakaran.
Salin: Vera