|
||||||||
|
||
NAKATAKDANG magsalita sa taunang "Teddy Benigno Lecture Series" para sa taong 2018 si Manuel Mogato, isa sa dalawang Filipinong nagawaran ng "Pulitzer Prize" para sa kanyang makatotohanang pag-uulat sa madugong kampanya ng pamahalaan laban sa illegal drugs. Si Ginoong Mogato ay isa sa mga batikang tagapagbalita at manunulat ng Reuters.
Nabantog si G. Mogato sa kanyang malalimang pagsusuri at investigative journalism sa panahon ng disinformation at fake-news.
Gaganapin ang Teddy Benigno Lecture Series sa Malcolm Theater ng University of the Philippines College of Law sa Diliman, Quezon City.
Ito ay itinataguyod ng Foreign Correspondents Association of the Philippines. Ginaganap ang Teddy Benigno Lecture Series sa pagunita sa mga mamamahayag na nagtatag ng Foreign Correspondents Association of the Philippines noong kasagsagan ng Batas Militar ni Pangulong Ferdinand Marcos.
Dating Manila bureau chief si G. Benigno ng Agence France-Press at naging press secretary noong panahon ni Pangulong Corazon Cojuangco Aquino. Inaasahang makadadalo ang mga mag-aaral ng journalism at broadcast sa Teddy Benigno Lecture Series sa Miyerkoles, ikalima ng Disyembre.
Itinatag ang FOCAP noong 1974 upang mapanatili ang Kalayaan ng pamamahayag. Mayroong higit sa 100 ang kasapi ng FOCAP mula sa may 50 international news agencies, publications at radio at television networks.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |