NANINIWALA naman sina Congressmen Edcel Lagman ng Albay at Tom Villarin ng Akbayan na ang biro ni Pangulong Duterte sa pagamit ng marijuana na ipinagbabawal sa batas, ay magpapatunay lamang na hindi nagtagumpay ang kampanya ng pamahalaan.
Ginawa ng mga mambabatas ang kanilang pahayag isang araw matapos sabihin ni Pangulong Duterte na gumagamit siya ng marijuana upang manatiling gising sa mga pandaigdigang pagpupulong. Ito ang kanyang pahayag kagabi sa isang pagpaparangal.
Binawi naman niya kaagad ang kanyang pahayag sapagkat isang biro lamang umano ang kanyang sinabi. Sa isang press conference, sinabi ni G. Lagman na kung biro man o hindi, hindi ito nararapat mabalewala sapagkat lalabas na hindi nagtagumpay ang kampanya laban sa droga. Marami na umanong mga nasawi lalo na sa mga mahihirap.
Kung seryoso umano ang pamahalaan sa kampanya nito, hindi kailangan ang pagbibiro tungkol sa paggamit ng marijuana.
Ayon sa record ng pulisya, may 4,900 na ang napaslang sa anti-drug operations ng pamahalaan.