Sa panayam kamakailan sa pahayagang Sin Chew Daily, ipinahayag ni Punong Ministro Mahathir bin Mohamad ng Malaysia, na nagkakaroon ng mainam na pagpapalagayan ang kanyang bansa at Tsina, lalung-lalo na sa aspekto ng kalakalan. Nananatili rin aniya ang pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Sinabi rin ni Mahathir, na mahaba ang kasaysayan ng pagpapalagayan ng Malaysia at Tsina. Maraming Tsino ang pumunta sa Malaysia, pero hinding-hindi gumawa ang Tsina ng kolonyal na paghahari sa Malaysia, dagdag niya. Kaya aniya, ang Tsina ay hindi nagsisilbing banta sa Malaysia.
Pagdating naman sa kahilingan ng pamahalaan ng Malaysia sa muling pagtalakay sa Tsina hinggil sa proyekto ng East Coast Rail Line at pagkansela sa mga proyekto ng tubo ng natural na gas sa Sabah at Malacca, sinabi ni Mahathir, na dahil sa malaking problemang pinansyal, hindi kayang isagawa ng Malaysia ang naturang mga proyekto. Ani Mahathir, sa kanyang pagdalaw sa Tsina noong Agosto ng nagdaang taon, ginawa niya ang palinawag sa mga lider na Tsino hinggil dito, at ipinahayag naman ng panig Tsino ang pag-unawa sa desisyon ng Malaysia.
Salin: Liu Kai