|
||||||||
|
||
Pagkaraan ng Spring Festival o Chinese New Year, pinakamahalagang kapistahan sa kulturang Tsino, inilunsad ng Jilin, lalawigan sa dakong hilaga-silangan ng Tsina ang proyekto para sa bagong taon. Batay sa nasabing proyekto, sa taong 2020, maisasakatuparan ng probinsya sa kabuuan ang modernisasyon ng agrikultura.
Kaugnay nito, saad ni Ren Qibiao, Mananaliksik ng Tanggapan ng Modernisasyon ng Agrikultura ng Jilin, ang agrikultura ay bentahe at katangian ng lalawigan.
Noong 2015, sa kanyang pakikipagtalastasan sa mga kinatawan ng delegasyon ng Jilin sa taunang sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan o NPC, punong lehislatura ng Tsina, hiniling ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na pabilisin ang modernisasyong pang-agrikultura ng lalawigan.
Bilang pagpapatupad sa kahilingan ni Xi, sa kasalukuyan, aabot sa 450 kooperatiba ang nabuo sa Jilin, samantalang nasa 86% naman ang mekanisasyon sa pag-araro, pagtatanim at pag-ani.
Upang mapasulong ang modernisasyong pang-agrikultura, nitong tatlong taong singkad, mahigit 6,000 magsasaka ang naipadala ng Jilin sa loob at labas ng Tsina para sa pagsasanay.
Ani Cai Xue, magsasaka mula sa Shulan, siyudad ng Jilin, natutuhan niya ang pagiging kompetetibo ng mekanisasyon ng kooperatiba sa kanyang pagdalaw at pagsasanay sa Hapon at Timog Korea.
Kasabay nito, binuksan din ng Jilin ang iba't ibang kurso ng pagsasanay, at nakinabang dito ang mahigit 100,000 magsasaka.
Sa proseso ng pagpapasulong ng modernisasyon ng agrikultura, pinahahalagahan din ng Jilin ang pangangalaga sa kapaligirang ekolohikal. Sa loob ng apat na taon, aabot sa 122,000 ektaryang desertipikadong lupa ang inayos ng Jilin, 2,400 kilometro kuwadradong sapa o wetland ang napanumbalik, at itinigil ang lahat ng mga natural na kagubatan. Sa kasalukuyan, lumampas sa 8.2 ektarya ang kabuuang saklaw ng kagubatan ng lalawigan.
Upang pataasin ang kita ng mga magsasaka, nagbigay-tulong din ang Jilin para pasulungin ang turismong nagtatampok sa yelo at niyebe.
Sa kalilipas na bakasyon ng Chinese New Year, umabot sa mahigit 14.2 bilyong yuan RMB ang kitang panturismo ng Jilin, na mas mataas ng 19.6% kumpara sa gayunding panahon ng taong 2018. Mahigit 254,000 turista ang tinanggap ng 27 skiing spot ng lalawigan, at mas mataas ito ng 23.9% kumpara sa gayunding panahon ng 2018.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |