Ipinahayag ngayong araw, Huwebes, ika-18 ng Abril 2019, sa Beijing, ni Yuan Da, Tagapagsalita ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na nitong halos 6 na taong nakalipas sapul nang iharap ang Belt and Road Initiative (BRI), nagtamo ng malaking progreso at bunga ang pandaigdig na kooperasyon sa ilalim ng inisyatibang ito.
Ayon kay Yuan, hanggang sa kasalukuyan, nilagdaan ng Tsina at 125 bansa't 29 na organisasyong pandaigdig ang 173 dokumento hinggil sa kooperasyon sa ilalim ng BRI. Lumalahok din aniya ang maraming malalaking transnasyonal na kompanya at pandaigdig na institusyong pinansyal sa mga proyektong pangkooperasyon sa ilalim ng inisyatiba. Natamo rin ng Tsina at mga bansa sa kahabaan ng Belt and Road ang maraming bunga sa mga aspekto ng konektibidad sa imprastruktura, kalakalan, kooperasyong pinansyal, pagpapalitan ng mga mamamayan, at iba pa, dagdag ni Yuan.
Sinabi rin niyang, sa susunod na yugto, ibayo pang gagawin ng Tsina at iba't ibang bansa ang mga detalyadong plano, para sumulong sa mas mataas na antas ang pandaigdig na kooperasyon ng BRI.
Salin: Liu Kai