|
||||||||
|
||
Sina Mac Ramos (sa kaliwa), reporter ng China Media Group Filipino Service, at Brillante Mendoza (sa kanan), multi-awarded Filipino director
Dumalo sa kauna-unahang pagkakataon ang multi-awarded Filipino director na si Brillante Mendoza sa Ika-22 Shanghai International Film Festival (SIFF). Sa eksklusibong panayam ng China Media Group Filipino Service Hulyo 18, 2019 sinabi niyang, "Di ko na-realize na malaki palang pestibal ang Shanghai. Maraming festival programmer na nandidito, napaka-alive. Maraming pelikula din na ipinapalabas. I was happily surprised sa nakita ko."
Aktibo ang partisipasyon ng Pilipinas sa SIFF nitong nakalipas na ilang taon. Ngayong taon may 5 pelikulang Pinoy ang ipinalalabas. Umaasa ang Cannes Film Festival Best Director na masu-sustain o tuloy-tuloy na mapapanood ang pelikula ng iba't ibang filmmakers na nanggagaling sa Pilipinas, at di lang galing sa isang specific na genre, kundi iba't-ibang genre. Nang sa gayon, puwedeng ma-showcase di lang yung talento ng mga filmmakers kundi ang iba't ibang kwento na nanggagaling sa Pilipinas.
Si Brillante Mendoza (sa kanan), multi-awarded Filipino director
Aniya pa, "Mas lumalaki ang audience at mas makikilala ang ating kwento. Mas nakikilala ang ating kultura, di lang ang ating talento. Importante yun para sa akin. It's a great opportunity."
Pambato ng Pilipinas sa 2019 SIFF ang pelikula ni Mendoza na Alpha, The Right to Kill na may kinalaman sa drug war at tiwaling mga pulis. Ano ang mensaheng nais niyang ibahagi sa mga Tsino at dayuhang manonood? Sagot niya, "Kahit ano pa ang pamamaraan mo ng pagpapatakbo ng isang bansa o ng isang institusyon, ang kasiraan ng isa ay kasiraan ng lahat. Kahit ano pa ang gawin mong pamamaraan para mapag-ayos ang isang lipunan, kapag mayroon isang sumira na kaparte ng isang institusyon o kasama ng isang institusyon, nawawalan ng saysay ang gusto mong gawin na makakabuti para sa nakararami."
Puno ng challenges o balakid ang maging isang independent filmmaker kasama na rito ang kakulangan sa budget ng paggawa ng pelikula. Pero para sa premyadong direktor di na siya nag-aalala tungkol dito. Daad niya, "Klaro ito sa utak ko. At alam ko, tanggap ko. So di na ito nagiging mahirap para sa akin. Kung part siya ng realidad e di part siya ng realidad. It's a part of life (at) hindi siya puwedeng isiping balakid. So, patuloy na magkakaroon nito sa susunod kong mga gagawin, pero dahil gusto ko ang ginagawa ko, makakagawa at makakagawa ako ng pelikula na hindi siya magiging problema."
Si Mendoza ay tagapagtatag at nagpapatakbo ng Sinag Maynila Independent Film Festival. Ano ang mga bagay na ibinabahagi niya sa mga kabataang mahilig gumawa ng pelikula at sa mga baguhang direktor sa sumasali sa Sinag Maynila? Ani Mendoza, "Importante 'yun attitude. Hinihila ko sila na magpaka-totoo. Magkonek palagi sa mga tao, sa mga ikinukwento nila, otherwise masisira yung point ng paggawa mo ng pelikula kung hindi na naisasabuhay yung mga gusto mong mangyari, gusto mong gawin. Kailangan isabuhay muna nila."
Pagdating naman sa paglikha ng mga istorya, heto ang payo ng Direktor ng Ma Rosa, na Cannes winner din para sa Best Actress noong 2016, "Ang lahat ng kwento ay naikwento na. Yung pagkukwento ang magpapaiba dyan. Halimbawa, i-describe mo ang pelikula in one sentence di ba't magkahawig at magkapareho lang sila. It's a matter of point of view, matter of perspective and at the same time, kung papaano mo siya makukwento."
Sina Mac Ramos (sa kaliwa), reporter ng China Media Group Filipino Service, at Brillante Mendoza (sa kanan), multi-awarded Filipino director
Sa huling dako ng panayam, ibinahagi ni Mendoza ang ultimate goal niya bilang direktor. Aniya, "Lahat ng ito ginagawa ko ultimately para magkaroon tayo ng identity. Kasi wala tayong identity. There's such a thing as Chinese Films, Indian films, Korean Films and Japanese films. Pero walang Filipino film. So di natin alam kung ano tayo. Eventually gusto ko magkaroon tayo ng identity, at the same time ma-distribute siya, di siya manatili sa festival. Ibig sabihin pang malawakan na panonood, hindi lamang mga festival goer, kundi mga ordinary viewers sa iba't ibang parte ng mundo."
Bilang pagtatapos, narito ang mensahe ni Direk Brillante Mendoza sa mga kababayang nasa Tsina, "Suportahin natin most importantly 'yung Filipino independent films. Alam ko na karamihan sa ating mga kababayan abroad talagang nasasabik silang mapanood ang pelikulang galing sa Pilipinas. Kaya lang sila excited dahil sa mga artista na napapanood natin sa telebisyon. Sana bigyan din natin ng pagkakataon, bigyan din natin ng panahon yung mga pelikula na hindi lang sila tungkol sa mga artistang napapanood ninyo, kundi dun sa kwentong gusto nilang iparating."
Ulat: Mac Ramos
Larawan: Vera
Web Editor: Jade / Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |