Ipinahayag Martes, Hulyo 2, 2019 ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na madalas na nagsasalita ang panig Britaniko hinggil sa mga suliranin ng Hong Kong, at magaslaw na nakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina. Matinding kawalang-kasiyahan at buong tatag na pagtutol ang ipinahahayag aniya ng Tsina sa mga aksyong ito.
Kaugnay ng marahas na pagsugod ng mga ekstrimista sa gusali ng Legislative Council ng Hong Kong, nag-tweet si Jeremy Hunt, Ministrong Panlabas ng Britanya, na nagsasabing buong tatag na kinakatigan ng panig Britaniko ang Hong Kong at kalayaan nito. Aniya, di-matatanggap ang marahas na aksyon, pero dapat magkaroon ang mga taga-Hong Kong ng karapatan sa mapayapang demonstrasyon, sa balangkas ng batas.
Kaugnay nito, tinukoy ni Geng na ang Hong Kong ay espesyal na rehiyong administratibo ng Tsina, at ang mga suliranin ng Hong Kong ay suliraning panloob ng Tsina. Wala aniyang karapatang makialam dito ang anumang bansa, organisasyon at indibiduwal. Humiling siya sa panig Britaniko na sariwain ang resulta ng maling pananalita at aksyon nito, at agarang itigil ang pakikialam sa mga suliranin ng Hong Kong at isyung panloob ng Tsina, sa anumang porma.
Salin: Vera